NAVOTAS CITY– Agad na nagsagawa ng response operation ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–North, matapos matagpuan ang isang reticulated python (Malayopython reticulatus) na naipit sa isang gill net sa coastal area ng Barangay Tangos South, Navotas City.
Ayon sa paunang obserbasyon ng mga responder, nasa kritikal na kondisyon ang sawa at nagtamo ng bali sa bahagi ng katawan matapos maipit sa lambat pangisda. Dahil dito, agad itong isinailalim sa wildlife retrieval operation at ligtas na dinala sa Biodiversity Management Bureau – Wildlife Rescue Center upang mabigyan ng agarang veterinary assessment, paggamot, at wastong pangangalaga.
Bagama’t karaniwang iniuugnay ang mga sawa sa kagubatan, latian, at iba pang natural na tirahan, ipinapakita sa ilang pag-aaral na may kakayahan din silang mamuhay at makagalaw sa mga coastal at urban areas, lalo na sa mga lugar na konektado sa mga estero, ilog, wetlands, at Manila Bay. Dahil dito, hindi na rin maituturing na kakaiba ang paglitaw ng mga sawa sa mga lugar na ginagamit sa pangingisda gaya ng Navotas City.
Muling pinaaalalahanan ng DENR–NCR ang publiko na iwasan ang pananakit, paghuli, o pagpatay sa mga wildlife species at agad na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad sakaling makakita ng mga buhay-ilang na nangangailangan ng agarang tulong o rescue operation.
Alinsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na pagkuha, pag-aalaga, panghuhuli, at pananakit sa mga wildlife species nang walang kaukulang permit o pahintulot mula sa DENR. (Teksto at larawan mula sa DENR NCR)


Leave a comment