Ang Pahayagan

Isa pang Bangkay Nahukay mula sa Guho sa Balibago, May-ari at Kontraktor Handang Makipagtulungan sa Imbestigasyon

ANGELES CITY– Isa pang bangkay ang nadagdag sa bilang ng mga biktima sa naganap na pagguho ng ginagawang gusali sa Balibago, Angeles City makaraang may matagpuang isang bangkay sa Sector 1 ng Bureau of Fire Protection, bandang 11:31 gabi ng Huwebes, base sa pinakahuling update ng Incident Command Post.

Sa kabuoan ay may anim na ang naitalang namatay sa naganap na trahedya habang nasa labing-apat pa ang umano’y missing sa ngayon na nasa ika-anim na araw nang isinasagawang Search, Rescue, and Retrieval (SRR) Operations efforts.

Sa kaugnay na ulat, may kahandaan umanong makipagtulungan sa imbestigasyon ang may-ari at kontraktor ng gumuhong itinatayong gusali matapos silang makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Angeles City Mayor Jon Lazatin nitong Huwebes ay nakontak na ng isang empleyado ng city government ang may-ari ng gusali at ang kontraktor ito na umano’y konektado sa Golden Years Construction and Steel Works.

“Sa ngayon, nakipag-ugnayan na po sila sa atin at nagpahayag sila ng suporta. Kung ano man ang kakailanganin nating mga dokumento, permits, reports, at iba pang may kaugnayan dito sa trahedyang nangyari, makikipagtulungan po sila sa atin,” pahayag ni Lazatin.

Ipinaliwanag din ng alkalde na nasa Japan umano ang may-ari ng gusali kaya hindi agad ito nakatugon sa mga awtoridad matapos ang insidente.

Tiniyak ni Lazatin sa publiko na magiging patas at transparent ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung may kapabayaan at mapanagot ang sinumang responsable sa pagguho ng gusali. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

📸 Bureau of Fire Protection – Central Luzon

Leave a comment