SAN ANTONIO, Zambales– Balot ngayon ng agam-agam ang mga mangingisda dito dahilan sa mga ulat na muling ipagbabawal ang paglaot upang mangisda bunsod ng mga isasagawang Bilateral Maritime Cooperation Activity (BMCA) mula Mayo 28 hanggang Mayo 30 sa West Philippine Sea na saklaw ng lalawigang ito.
Sa panayam ng Ang Pahayagan sa ilang apektadong mangingisda ng Barangay San Miguel, San Antonio, ipinarating ng mga ito ang kanilang pangamba sa kabawasan sa pang-araw-araw na kita habang ipinatutupad ang “No sail zone” order dahilan sa ipagbabawal nito ang pangingisda sa laot.
“Malaking bagay po ang ilang araw na hindi kami makapangisda lalo ngayon na panahon ng maraming huli at nag-iipon kami ng panggastos para sa pagpasok uli sa eskuwela ng aming mga estudyante,” sambit ni Nestor Romelo na halos tatlong dekada nang mangingisda.
Sa kabila na aniya wala pa namang pormal na abiso sa kanila ukol sa naturang pagbabawal, maugong na umano nilang nababasa ito sa social media.
“Malamang may darating na naman bigla na sasabihan kami na bawal muna lumabas,” sambit pa nito.
Daing din niya na kapag may kahalintulad na ganitong kaganapan ay wala naman silang natatanggap na ayuda mula sa gobyerno na kung meron man ito ay manaka-naka lamang.
“Sa totoo lang mabuti pa yung mga drayber ng tricycle at yung mga grupong magsasaka nakatanggap na ata sila ng ayuda mula sa pamahalaan dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo samantalang kami walang natanggap na kagaya nito,” saad pa ni Romelo.

Halos ganito din ang pahayag ni Alberto Abuan na malaking kawalan sa kanila ang hindi pagpalaot sa mga susunod na mga araw.
“Sa ngayon ay wala pa naman kami natatanggap na anunsyo ng pagbabawal sa paglaot pero kung talagang ipapatupad po eh susunod naman kami,” ani Abuan.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na ipinatupad ang naturang no sail policy sa San Miguel.
Sa isang pulong-balitaan na ginanap noong Marso, aminado si San Antonio Mayor Arvin Antipolo na apektodo ang kabuhayan ng mga residente sa mga coastal communities ng kanyang munisipalidad kapag may mga ipinatutupad na pansamantalang tigil-laot o restriksyon sa pangingisda alinsabay sa mga isinasagawang war games.
Inihayag ng alkalde, na makipag-ugnayan siya sa mga kinauukulang ahensya upang matugunan ang epekto nito sa mga mangingisdang kanyang nasasakupan.

Nakipag-ugnayan na din umano sila sa Presidential Commission on Visiting Forces Agreement at sa mga kinatawan ng panig ng Estados Unidos upang maisama ang lokal na pamahalaan sa pagpaplano ng mga susunod na mga pagsasanay-militar at maihayag ang epekto nito sa mga maliliit na mangingisda. (Teksto at larawan ni JUN DUMAGUING para sa Ang Pahayagan)


Leave a comment