ANGELES CITY– Ideneklara na ng Unified Command System (UCS) ang pagtigil sa search and rescue operations sa gumuhong gusali sa Angeles City bandang 8:27 ng gabi nitong Lunes, Mayo 25.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Angeles City, isinagawa ang desisyon matapos ang final assessment ng Incident Command System (ICS) sa collapse site.
Batay umano sa mga pagsusuri gamit ang Life Locator equipment ng Pasig City Local Government Unit, wala nang natukoy na anumang senyales ng buhay o “signs of life” sa loob ng apektadong lugar.
Dahil dito, inanunsyo ng UCS na simula Martes ng umaga ay ililipat na ang operasyon mula sa Search and Rescue tungo sa Retrieval and Clearing Operations.
Sa kabila ng pagbabago sa operasyon, inatasan ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang lahat ng retrieval teams na tiyaking maayos, may dignidad, at may lubos na paggalang ang paghawak sa mga labi ng mga biktima habang isinasagawa ang recovery operations.
Tinalakay rin sa isinagawang briefing nitong gabi ang paunang Incident Action Plan (IAP) bilang gabay sa susunod na hakbang ng operasyon sa lugar ng trahedya. Patuloy namang hinihiling ng mga awtoridad ang panalangin at pakikiisa ng publiko para sa mga naapektuhang pamilya at sa lahat ng responders na nasa operasyon.
Kaugnay nito, apat na ang kumpirmadong nasawi habang 17 katao pa ang sinasabing nawawala magmula pa nitong Lunes ng gabi, Mayo 25.
Batay sa tala ng Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon alas-7:20 ng gabi, nasa 26 na indibidwal na ang ligtas na nakauwi matapos mailigtas mula sa trahedya.
Kabilang sa apat na nasawi ang isang Malaysian national na may kapansanan na umano’y nanunuluyan sa kalapit na hotel nang mangyari ang pagguho ng gusali.
Dalawa naman sa mga namatay ay pawang mga construction worker na kinilala na ng site engineer.
Samantala, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng ikaapat na biktima dahil sa matinding pinsala sa katawan nito.
Naipasa na ang labi sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa karagdagang pagsusuri at pagkilala.
Ayon kay Superintendent Maria Leah Sajili, information officer ng BFP Region 3, hindi pa nararating ng mga rescuer ang pinaka-ilalim na bahagi ng gumuhong istruktura kaya nagpapatuloy pa rin ang masusing paghahanap sa mga nawawala.
Binigyang-linaw rin ni Sajili ang mga kumakalat na ulat hinggil sa umano’y pamilya na may kasamang sanggol na posibleng na-trap sa gusali.
Aniya, patuloy pa itong bineberipika at inihahambing sa opisyal na listahan ng mga biktima.
Samantala, ibinahagi ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo na buhay na nakalabas mula sa mga guho ang aso ng construction foreman. Agad itong dinala sa isang veterinary facility upang mabigyan ng agarang lunas.
Tiniyak naman ng BFP na hindi ititigil ang rescue operations maliban na lamang kung magiging delikado ito para sa mga rescuer. “Hindi kami titigil,” ayon kay Sajili habang nagpapatuloy ang operasyon sa lugar ng insidente. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)
📸 Bureau of Fire Protection-Central Luzon


Leave a comment