Ang Pahayagan

Itinatayong Gusali Gumuho, mga Trabahador Pinangambahan na-Trap

MITCH C. SANTOS

ANGELES CITY, Pampanga — Pinaniniwalang may 30 hanggang 40 katao ang na-trap matapos gumuho ang kanilang ginagawang siyam na palapag na gusali sa Teodoro Street, Barangay Balibago madaling-araw ng Linggo, Mayo 24.

Ayon sa ulat, bandang alas-3 ng madaling araw nang biglang bumagsak ang konkretong istruktura, dahilan upang agad na magsagawa ng malawakang rescue operation ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa panayam mula sa LGU Command Center, sinabi ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo na hindi pa tiyak ang kabuuang sitwasyon sa ilalim ng gumuhong gusali ngunit patuloy ang masusing search and rescue operations ng mga awtoridad.

“Agad na inactivate ng lokal na pamahalaan ang Unified Command System upang tiyakin ang maayos na koordinasyon ng lahat ng kinauukulang ahensya. Sa ilalim ng sistemang ito, ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang nangunguna sa rescue at retrieval operations, ang DRRMO ang nangangasiwa sa logistics at suporta sa operasyon, ang Philippine National Police (PNP) ang responsable sa seguridad at crowd control, habang ang City Information Office (CIO) naman ang nagbibigay ng opisyal na impormasyon sa publiko,” ani Pelayo.

Sa pinakahuling ulat na nakalap, 24 na sa mga trabahador ang nakuha mula sa gumuhong istraktura. wala pang opisyal na bilang ng mga nasawi o sugatan habang patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng pagguho ng gusali.

Nagpatupad na rin ng mahigpit na seguridad sa paligid ng lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at rescuers.

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na umiwas sa lugar ng insidente upang hindi makaabala sa nagpapatuloy na rescue operations.

📸 Au Santiago

Leave a comment