Ang Pahayagan

Angeles City LGU, mga Grupo, Nanawagan ng Imbestigasyon sa Gumuhong Gusali

ANGELES CITY– Humihiling ng masusing imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Angeles City, Pampanga kaugnay sa pagguho ng isang gusaling itinatayo kung saan mahigit 20 katao ang pinaniniwalaang na-trap sa loob.

Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II, mahalagang matukoy kung may pagkukulang sa konstruksyon, kabilang na ang kalidad ng paggawa at kondisyon ng lupa sa lugar.

“Ayun ang kailangan ma-imbestigahan para malaman natin kung ang paggawa po nila ay substandard ang gawa, o kung may kinalaman ang soil testing. Kailangan lahat ng parameters malaman natin para malaman natin kung paano gumuho,” ani Lazatin.

Sa kabila nito, napag-alamang kumpleto umano sa kinakailangang permit ang itinatayong gusali.

Isinusulong din ng isang progresibong grupo ang panawagang magsagawa ng malalimang imbestigasyon. Mariing kinondena ng Central Luzon Disaster Response Network o CLDRN ang insidente na naglagay umano sa panganib sa buhay ng tinatayang 30 hanggang 40 manggagawa at sibilyan.

Ayon sa grupo, hindi dapat ituring na simpleng aksidente ang naturang trahedya dahil malinaw umano itong bunga ng kapabayaan at kakulangan sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan sa konstruksyon.

Iginiit ng CLDRN na dapat agad papanagutin ang mga contractor, developer, at mga ahensyang umano’y nagpabaya sa mahigpit na pagpapatupad ng safety standards at regulasyon sa konstruksyon.

Samantala, isang bangkay ang narekober sa ikalawang palapag ng isang apartelle hotel na nadamay sa pagguho ng itinatayong siyam na palapag na gusali sa Balibago, Angeles City.

Batay sa pinakahuling ulat, nakuha ng search and rescue team ang bangkay ng isang Malaysian national mula sa katabing apartelle na naapektuhan ng insidente.

Dumating din sa lugar sina Vince Dizon at Nicolas Torre III upang personal na inspeksyunin ang nagpapatuloy na search and rescue operations.

Ayon sa mga opisyal, nakahanda ang kani-kanilang ahensya na magbigay ng karagdagang kagamitan at tulong para sa rescue operations.

Sa pinakahuling ulat ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office o ACDRRMO, umabot na sa 26 katao ang matagumpay na nailigtas mula sa insidente. Patuloy pa rin ang validation at koordinasyon upang matiyak ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan.

Kasalukuyang mano-mano ang isinasagawang search and rescue operations dahil hindi pa ligtas gamitin ang mga heavy equipment sa lugar. Ayon sa mga awtoridad, nananatiling delikado ang gumuhong istruktura at maaaring malagay sa panganib ang mga posibleng na-trap sa loob kapag agad gumamit ng mabibigat na kagamitan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

📸 Angeles City Information Office

Leave a comment