Ang Pahayagan

DALAWANG TULAK TIMBOG SA BUY-BUST SA OLONGAPO, MAHIGIT P35K HALAGANG SHABU NASAMSAM

Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng Police Station 3 Special Drug Enforcement Unit (PS3 SDEU) sa Olongapo City nitong gabi ng Mayo 21, 2026.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa alyas na “Hapon,” na kabilang umano sa Street Level Individual (SLI) drug list, at “Ronron.”

Naganap ang operasyon bandang alas-10:25 ng gabi sa harap ng No. 19 Rodriguez Street, Barangay New Kalalake, Olongapo City.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang PS3 SDEU sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control Number B-2026-044-PRO3-OCPO-PS3, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.

Nasamsam mula sa kanila ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 5.18 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na P35,224. Narekober din ng mga operatiba ang P200 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Dinala ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya sa Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. Ang operasyon ay pinangunahan ni PSSg Ronnie E. Darapiza. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment