Ang Pahayagan

KGMI, IPAGDIRIWANG ANG IKA-35 ANIBERSARYO SA TEMANG “GOING BEYOND NUMBERS”

Nakatakdang idaos ng KazamaGrameen Microfinance Inc. (KGMI) ang masiglang pagdiriwang ng kanilang ika-35 anibersaryo sa darating na Hunyo 5, 2026 sa Columban College Gymnasium sa Barangay Barretto, Olongapo City.

May temang “Going Beyond Numbers,” layunin ng selebrasyon na gunitain ang mahigit tatlong dekada ng samahan, katapatan, tagumpay, at paggalang na naging pundasyon ng patuloy na paglago at serbisyo ng organisasyon sa komunidad.

Batay sa inilabas na programa, magsisimula ang pagdiriwang alas-8:00 ng umaga sa pamamagitan ng Banal na Misa, na susundan ng maikling pahinga bago pormal na simulan ang programa.

Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang pag-awit ng Pambansang Awit, Panata ng Kasapi, Panata ng Kawani, at pagpapakilala sa mga panauhin at dumalo.

Magbibigay ng pambungad na pananalita si Ms. Josephine Elizalde, pinuno ng komite ng programa. Maghahain naman ng mensahe sina KGMI President Marlou Concepcion at Dr. Ricardo S. Reyes Jr., tagapangulo ng Lupon ng mga Katiwala.

Bahagi rin ng okasyon ang pagkilala sa mga natatanging kasapi, katuwang na sektor, at mga miyembro ng Lupon ng mga Katiwala bilang pasasalamat sa kanilang mahalagang ambag sa samahan.

Pagkatapos ng tanghalian, inaasahang magiging mas makulay ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Festival Dance Contest, coronation ng Festival Queen, iba’t ibang paligsahan, at pamamahagi ng mga premyo.

Hinihikayat naman ang lahat ng dadalo na magsuot ng modernong Barong at Filipiniana bilang pagpapakita ng paggalang at pakikiisa sa pagdiriwang.

Inaasahan na magsisilbing pagkakataon ang okasyon upang higit pang mapatatag ang samahan ng bawat kasapi at maipagdiwang ang matagumpay na 35 taon ng serbisyo ng KGMI. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment