OLONGAPO CITY — Dalawang katao ang nasaktan sa isang vehicular accident na nauwi pa sa hit-and-run matapos magbanggaan ang isang kotse at isang tricycle noong Mayo 19, 2026, bandang alas-11:30 ng umaga sa Balic-Balic Road, tapat ng Sta. Rita Elementary School sa Barangay Sta. Rita.
Sangkot sa insidente ang isang pulang Honda Civic na may plakang WFD 655, na minamaneho ni Ricardo, 66-anyos at residente ng Gordon Heights, at isang passenger tricycle na Kawasaki Barako na may plakang R7613T at body number 7027, na minamaneho ni Reynante, 54, kasama ang pasaherong si Nida, 43, kapwa residente rin ng Gordon Heights.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, binangga umano ng Honda Civic ang hulihang bahagi ng tricycle habang kapwa bumibiyahe sa iisang direksiyon. Dahil sa lakas ng impact, sumalpok ang tricycle sa konkretong pader ng isang sari-sari store.
Matapos ang insidente, tumakas umano ang driver ng kotse ngunit agad din itong naaresto ng mga pulis sa isang 7-Eleven sa Sta. Rita Road.
Agad namang rumesponde ang Barangay Sta. Rita Rescue Team at dinala sa James L. Gordon Memorial Hospital ang driver at pasahero ng tricycle upang mabigyan ng agarang lunas.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang mga sangkot na sasakyan at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Traffic Enforcement Unit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment