Ang Pahayagan

ELAGO, MULING NANAWAGAN SA PAGPAPASA NG SOGIESC EQUALITY BILL MATAPOS ANG UMANONG TRANSFOBIC REMARKS LABAN KAY AWRA BRIGUELA

NI: MITCH C. SANTOS

Muling nanawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago para sa agarang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill kasunod ng umano’y transphobic remarks ng isang propesor mula sa Universidad de Manila laban sa aktres at komedyanteng si Awra Briguela.

Ayon kay Elago, nakababahala na hanggang sa kasalukuyan ay may mga guro pa ring nagpapalaganap umano ng diskriminasyon at transphobia laban sa LGBTQ+ community.

“Hindi kailanman katanggap-tanggap na gawing katatawanan o pahiyain ang isang tao dahil sa kanilang gender identity o expression,” pahayag ni Elago.

Ang Gabriela Women’s Party ang pangunahing may-akda ng House Bill 4782 o SOGIESC Equality Bill, na naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity and expression, at sex characteristics sa mga paaralan, trabaho, pampublikong lugar, at iba pang institusyon.

Binigyang-diin din ni Elago na marami pa ring LGBTQ+ individuals ang nakararanas ng harassment, bullying, at diskriminasyon araw-araw kaya matagal na aniyang overdue ang pagpasa ng naturang panukalang batas.

Nagpahayag din siya ng pakikiisa kay Awra Briguela at sa iba pang nagsasalita ukol sa kaparehong karanasan, at sinabing mahalaga ang kanilang katapangan upang mailantad ang umiiral na diskriminasyon sa lipunan.

Dagdag pa ni Elago, mahalaga ang pagpasa ng SOGIESC Equality Bill upang maisulong ang isang mas inklusibo at makataong lipunan, kasabay ng pagpapalakas ng edukasyon at kolektibong pagkilos laban sa diskriminasyon at pang-aabuso sa karapatan ng LGBTQ+ community.

Leave a comment