Ang Pahayagan

OPINYON: HINDI SAPAT ANG PAGHUHUGAS-KAMAY, PANAHON NA PARA KUMILOS

Anim na taon nang nakatambak sa loob ng Subic Bay Freeport ang mga abandonadong reefer containers na pinagmumulan ng mabahong amoy at pangamba sa kalusugan ng publiko. Taon-taon, paulit-ulit na lamang ang pangako ng aksiyon, imbestigasyon, disposal, at koordinasyon.

Ngunit hanggang ngayon, nananatiling nakatiwangwang ang problema habang patuloy na naaapektuhan ang mga manggagawa, residente, turista, at mga negosyong nasa paligid ng Freeport.

Ngayon, nangako na naman ang bagong hepe ng Bureau of Customs-Port of Subic na bibilisan ang aksiyon sa usapin. Maganda ang pahayag. Mahalaga ang intensyon. Ngunit para sa publiko, sapat na ang mga pangako. Ang kailangan ngayon ay konkretong resulta.

Sa gitna ng usaping ito, hindi maikakaila na maraming mata ang nakatutok sa Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA—lalo na sa Ecology Center nito.

Malinaw na nakasaad sa Seksyon 96 ng Republic Act No. 7227 o Bases Conversion and Development Act of 1992 na ang SBMA Ecology Center ang may tungkulin sa pangangalaga ng kalikasan, pagpapatupad ng mga pambansang batas pangkalikasan, at pagkontrol ng polusyon sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.

Kung gayon, paano magiging sapat na paliwanag ang pagsasabing wala sa mandato ng SBMA ang usapin ng overstaying reefers?
Maaaring totoo na ang enforcement sa allowable container stay ay nasa ilalim ng Bureau of Customs. Ngunit ang epekto ng mabahong amoy, posibleng contamination, at environmental hazard sa loob mismo ng Freeport ay hindi maaaring ihiwalay sa responsibilidad ng SBMA—lalo na ng Ecology Center.

Hindi sapat na sabihing “ibang ahensya ang may mandato” habang patuloy na nangangamoy ang paligid at lumalala ang sentimyento ng publiko.
Ang tunay na liderato ay hindi lamang marunong magpasa ng responsibilidad. Ang tunay na liderato ay marunong magpatawag ng lahat ng sangkot na ahensya, magtakda ng malinaw na aksiyon, at tiyaking may agarang solusyon sa problemang matagal nang nagpapahirap sa komunidad.

Ang SBMA ang may pinakamalawak na kapangyarihan sa loob ng Freeport. Nasa kanila ang awtoridad, impluwensya, at kakayahang pag-isahin ang mga ahensyang may kinalaman sa usaping ito. Nasa kanila ang “pangil” upang magpatupad ng mas mahigpit na environmental compliance at accountability.

Kaya naman nakadidismaya kung tila nagiging “paralisado” ang ilang opisyal sa harap ng problemang malinaw namang may epekto sa kalikasan, turismo, kalusugan, at imahe ng Subic Bay Freeport. Hindi na ito simpleng nuisance lamang. Kapag anim na taon nang hindi maresolba ang isang problema, malinaw na may kakulangan sa urgency, koordinasyon, at political will.

Hindi humihingi ng imposible ang publiko. Ang hinihingi lamang ay pamumuno.
Panahon na upang pangunahan ng SBMA ang masinsinang aksiyon kasama ang BOC, DENR, DA, DOH, LGUs, at iba pang kinauukulang ahensya upang tuluyan nang maresolba ang usaping ito. Hindi sapat ang pagpupulong. Hindi sapat ang paliwanag. Ang kailangan ay malinaw na timeline, konkretong hakbang, at pananagutan.

Dahil sa huli, ang Subic Bay Freeport ay hindi lamang sentro ng negosyo at turismo. Tahanan din ito ng mga taong nagtitiwala na may mga ahensyang handang protektahan ang kanilang kalusugan, kapaligiran, at kapakanan.

At sa panahong ito, higit kailanman, kailangan ng publiko ang isang SBMA na kikilos—hindi maghuhugas-kamay.

Leave a comment