OLONGAPO CITY– Nakiisa ang may 200 mga volunteers at stakeholders sa isinagawang coastal clean-up activity ng Aboitiz Renewables Inc., at Olongapo Solar Power Plant sa Parola area, Barangay Kalaklan, Olongapo City nitong Martes ng umaga, Mayo 19, 2026.
Sa temang “Ating Baybayin, Responsibilidad Natin!”, layunin ng aktibidad na mapanatili ang kalinisan ng baybayin at mapalawak ang kamalayan ng publiko sa pangangalaga sa kalikasan.
Dinaluhan ang clean-up drive ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, barangay officials, environmental groups, at mga empleyado ng AboitizPower na sama-samang naglinis ng dalampasigan at maghakot ng mga basurang maaaring nakakasira sa karagatan at marine life.
Ayon kay Mikaela Buendia ng Solar Project Development Office and Project Development-Solar Aboitiz Renewables Inc., bahagi aniya ang aktibidad sa kanilang mga programa upang makatulong sa komunidad para sa isang malinis na kalikasan. Kasama aniya ito sa layunin na maging katuwang ang kanilang kumpanya para sa malinis at masiglang komunidad ng Olongapo.

Bahagi din umano ang coastal clean-up na ito sa mga serye ng aktibidad tulad ng nakaraang Dental-Medical Mission sa Barangay Sta. Rita, gayundin ang planong Brigada Eskuwela bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan ng mga mag-aaral.
“Maraming salamat po sa pagsuporta sa katulad nitong programa ng Olongapo Solar Plant at Aboitiz Renewables, makaka-asa po kayo na magsasagawa pa kami ng mga katulad nitong aktibidad na makakatulong sa ating komunidad,” saad pa ni Buendia.
Umabot sa halos 2 dumptruck ng basura ang nahakot mula sa isinagawang clean-up drive. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS / Mga kuhang larawan ni JUN DUMAGUING)


Leave a comment