Ang Pahayagan

14-Taong-Gulang na Scout, Nailigtas ang Nalulunod na Bata

OLONGAPO CITY — Isang 14-anyos na Senior Scout ang kinilala ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) James L. Gordon Council matapos niyang mailigtas ang isang pitong taong gulang na batang muntik malunod habang naliligo sa Banca-Bancaan, Barangay Gordon Heights.

Kinilala ang rescuer na si Isaac Zyvil F. Nuñez, mag-aaral ng Old Cabalan Integrated School na miyembro din ng BSP sa nasabing paaralan.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente habang naliligo si Nuñez kasama ang kanyang mga kaibigan nang mapansin niyang humihingi ng saklolo ang isang bata na tumalon sa bahagi ng tubig na inakalang mababaw lamang.

“Narinig ko po ang mga sigawan at nakita ko pong nalulunod ang bata. Dali-dali ko po siyang pinuntahan at dinala sa ligtas na lugar,” ani Nuñez.

Pagdating sa pampang, agad niyang sinuri ang kondisyon ng bata batay sa mga natutunan niya sa BSP Summer Training na isinagawa ng James L. Gordon Council.

Ayon kay Nuñez, kanyang sinuri ang airway, pulso, at paghinga ng bata at napag-alamang wala itong pulso at hindi humihinga. Kaagad siyang humingi ng tulong upang tumawag sa emergency responders at nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR).

Matapos ang limang cycle ng chest compressions at rescue breaths, muling huminga at nagkaroon ng pulso ang bata.

Pinuri ng James L. Gordon Council ang ipinakitang katatagan ng loob, pamumuno, at kahandaan ni Nuñez sa oras ng emergency.

Ayon sa konseho, ang insidente ay patunay na ang pagsasanay ng BSP ay hindi lamang humuhubog ng karakter kundi naghahanda rin ng mga kabataan upang makapagligtas ng buhay. (Kredito sa BSP James L. Gordon Council, Olongapo City, ES Lujille B. Kumar at Scout Althea Coñado Batinga)

Leave a comment