PALAUIG, Zambales — Nagkaloob ng ayuda at iba’t ibang serbisyo ang Northern Luzon Command (NOLCOM), sa pakikipagtulungan ng 702nd Infantry Brigade at 69th Infantry Battalion, sa mahigit 1,400 mangingisda sa mga bayan ng Iba, San Felipe, San Antonio, San Narciso, at Botolan sa Zambales.
Isinagawa kamakailan ang outreach program na “Serbisyong May Puso, Tulong Para sa Mangingisdang Pilipino” sa mga bayan ng San Felipe at Iba bilang bahagi ng inisyatibang handog nina Ferdinand Marcos Jr. at Gilberto Teodoro Jr..

Pinangunahan ni BGen Ronald M. Bautista, commander ng 702nd Infantry Brigade, kasama si LTC Mark Anthony B. Ruelos ng 69th Infantry Battalion, ang pamamahagi ng tulong katuwang ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, Department of Social Welfare and Development Region III, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Department of the Interior and Local Government, at Operation Blessing Foundation Philippines.
Kabuuang 1,423 mangingisda ang tumanggap ng food packs at solar lanterns na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na sa mga pamilyang umaasa sa pangingisda bilang pangunahing kabuhayan.
Nagpasalamat naman si Paolo Quitaneg president ng Fisherfolks Association sa pambansang pamahalaan, sa mga sundalo, at sa mga katuwang na ahensya para sa tulong na ipinagkaloob sa mga mangingisda at kanilang pamilya.

Ayon kay Quitaneg, malaking tulong ang mga ipinamahaging pagkain at solar lanterns, lalo na sa mga komunidad na patuloy na humaharap sa hamon ng kabuhayan.
Binigyang-diin din niya na ang programa ay patunay ng malasakit ng pamahalaan at nagbibigay ng pag-asa sa mga mangingisdang Pilipino.


Leave a comment