NI: MITCH C. SANTOS
ANGELES CITY- Magkakaroon ng libreng lecture sa Angeles City hinggil sa pagkakaiba-iba ng wika at kultura ng mga Ayta community sa Pampanga at mga karatig-lugar.
Pangungunahan ito ni Mariel Serrano Capuno, isang postgraduate student mula sa University of the Philippines-Diliman at indigenous culture-bearer mula sa Porac. Anak siya ng isang Ayta Mag-Indi na ama at Ayta Mag-Antsi na ina.
Sa nasabing lecture, tatalakayin ni Capuno ang pagkakaiba ng Ayta Mag-Indi na matatagpuan sa Western Porac at Floridablanca, at ng Ayta Mag-Antsi na nasa Eastern Porac, Angeles City, Mabalacat, Bamban sa Tarlac, at San Marcelino sa Zambales.

Ayon sa mga organizer, layunin ng talakayan na palawakin ang kaalaman ng publiko hinggil sa iba’t ibang indigenous nation ng mga Ayta, dahil marami pa rin umano ang naniniwalang iisa lamang ang kanilang kultura, pamumuhay, at wika.
Bukod sa Kapampangan, Tagalog, at English, bihasa rin si Capuno sa mga wikang Mag-Indi, Mag-Antsi, Botolan Sambal, at wika ng Ayta Magbukun sa Bataan.
Libre at bukas sa publiko ang lecture na gaganapin sa Sínúpan Singsing Center sa ikalawang palapag ng Angeles City Library sa Mayo 21, 2026. Pinapayuhan ang mga dadalo na dumating nang maaga.


Leave a comment