Ang Pahayagan

Resolusyon para sa “Water Emergency”, ihahain sa Sangguniang Bayan ng Subic

MITCH C. SANTOS

SUBIC, Zambales — Isang panukalang resolusyon ang nakatakdang ihain sa Sangguniang Bayan sa susunod na linggo upang hikayatin ang lokal na pamahalaan ng Subic na magdeklara ng “Water Emergency” sa mga barangay na matinding nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Ang panukala ay ihahain ni SB Member Sherill “She” Gutierrez kaugnay sa matagal nang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig mula sa PrimeWater sa ilang barangay ng naturang munisipalidad.

Ayon sa mga residente, maituturing nang krisis ang sitwasyon dahil mahigit isang buwan na umano silang nakararanas ng kawalan o kakulangan ng suplay ng tubig.

Bagamat may ipinagkakaloob na suplay ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong barangay, sinabi ng mga residente na hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. Dagdag pa nila, patuloy pa rin silang nakatatanggap ng buwanang bayarin mula sa PrimeWater kahit walang regular na suplay ng tubig.

Sa ilalim ng panukalang “Emergency Water Access Program,” iminungkahi ang agarang paghuhukay ng mga deep well at pagpapatupad ng rainwater harvesting system bilang pansamantalang solusyon sa krisis sa tubig. Popondohan umano ito mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) o supplemental budget ng munisipyo.

Ayon kay Gutierrez, hindi na simpleng abala ang kakulangan sa tubig dahil direktang naaapektuhan nito ang kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente.

Batay sa datos na nakasaad sa resolusyon, tinatayang 60 porsiyento lamang ng mga kabahayan sa Subic ang may Level III water connection sa ilalim ng PrimeWater ngayong 2026. Kabilang sa mga lugar na madalas mawalan ng suplay ng tubig sa loob ng tatlo hanggang limang araw kada linggo ang ilang sitio sa Barangay Aningway, Cawag, Pamatawan, Naugsol, at bahagi ng Calapandayan at Calapacuan.

Dahil dito, napipilitan umano ang maraming pamilya na gumastos ng ₱2,000 hanggang ₱3,500 kada buwan para sa delivery ng tubig gamit ang water truck—halos katumbas ng 20 porsiyento ng minimum na sahod.

Iniulat din sa resolusyon na tumaas ng 40 porsiyento ang mga kaso ng pagtatae at sakit sa balat mula 2024 hanggang 2026 sa mga lugar na kulang sa suplay ng malinis na tubig, batay sa datos ng Rural Health Unit (RHU).

Binanggit din ni Gutierrez ang ilang legal na batayan ng panukala, kabilang ang Republic Act 7160 o Local Government Code na nag-aatas sa mga LGU na magbigay ng sistema ng suplay ng tubig, Republic Act 10121 o DRRM Act na nagpapahintulot sa paggamit ng LDRRMF para sa emergency water supply, at DILG Memorandum Circular 2019-83 na naghihikayat sa mga LGU na maghanap ng alternatibong pinagkukunan ng tubig.

“Habang hinihintay ang permanenteng solusyon mula sa PrimeWater, hindi na makapaghihintay ang ating mga kababayan,” pagdidiin ni Gutierrez.

Dagdag pa niya, ang isang deep well ay maaaring magsilbi sa 50 hanggang 100 pamilya, habang ang rainwater harvesting tank ay maaaring makatulong sa mga paaralan at day care center.

Hiniling din ng konsehal ang agarang pag-apruba sa resolusyon upang mabigyan ng agarang lunas ang mga residenteng matagal nang nakararanas ng kakulangan sa tubig.

📸 Subic Zambales

Leave a comment