OLONGAPO CITY– Sinimulan na ng pamunuan ng Olongapo City Public Market ang pansamantalang pagsasara sa stalls ng mga vendor na umano’y matagal nang hindi nakapagbabayad ng renta, kabilang na ang may mga pagkakautang pa mula noong 2017.
Ayon sa market administration, layunin ng hakbang na maipatupad ang mas maayos na sistema sa loob ng pampublikong pamilihan at matiyak na lahat ng stall holders ay sumusunod sa kanilang obligasyon sa pagbabayad ng upa. Batay sa tala ng pamunuan, umaabot na umano sa milyong piso ang kabuuang hindi pa nababayarang renta ng ilang vendors sa bagong palengke.
Dahil dito, nagsagawa na ang City Market Office ng paglalagay ng mga abiso at tuluyang closure order laban sa mga stalls na hindi nakatugon sa kanilang mga bayarin.
Nilinaw naman ng market office na ilang beses nang nabigyan ng sapat na panahon at paalala ang mga apektadong vendor upang makipag-ayos o makapagbayad bago tuluyang ipinatupad ang pagsasara ng kanilang pwesto.
Gayunman, may ilan pa rin umanong hindi nakapag-settle ng kanilang obligasyon kaya kinailangan nang magsagawa ng enforcement operation.
Patuloy rin ang monitoring ng City Market Office upang matukoy ang iba pang stall holders na may kaparehong kaso ng hindi pagbabayad ng renta.
Ayon sa lokal na pamahalaan, malaking epekto sa pondo ng lungsod ang hindi pagremit ng tamang bayarin dahil ang nalilikom na renta ay inilaan sana para sa pagsasaayos ng palengke, maintenance ng pasilidad, at pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa loob ng pamilihan.
Sa panayam kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr., ipinaliwanag nito na bahagi ng mas malawak na rehabilitasyon at clearing operation ang kasalukuyang pagsasara ng ilang bahagi ng palengke.
Ayon kay Paulino, “una, ang isinasagawang clearing operation ay para sa pagsasaayos ng market, portion by portion. Kailangan munang ilabas ang ilang vendors at pansamantalang ilagay sa labas. Ikalawa, dapat na rin nating harapin ang matagal nang problema sa palengke, partikular ang hindi pagbabayad ng renta ng ilang vendors. Kawawa rin naman ang mga nagbabayad at sumusunod sa polisiya ng pamunuan.”
Dagdag pa ng alkalde, maaari pa ring makabalik at makapagbukas muli ng kanilang negosyo ang mga vendor sakaling maayos nila ang kanilang pagkakautang sa lungsod.
“Kung sakaling ma-settle naman nila ang kanilang utang, maaari naman silang magbukas muli at makapagnegosyo. Wala pong personalan ito. trabaho lamang po, ginagawa namin ito hindi lamang para sa amin kundi para sa lungsod at sa ikagaganda ng ating market,” pagdidiin ni Paulino.
Samantala, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga vendor na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na polisiya upang mapanatili ang maayos at tuloy-tuloy na operasyon ng pampublikong pamilihan para sa kapakanan ng mga negosyante at mamimili. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment