Ang Pahayagan

DTI MOTHER’S DAY TRADE FAIR AT ART EXHIBIT

SUBIC, Zambales — Tampok ang iba’t ibang lokal na produkto at gawang Zambaleño sa isinagawang “Mother’s Day Trade Fair and Exhibit” na may temang “Our Town, Our Product” sa Waltermart Subic mula Mayo 6 hanggang 9, 2026.

Pinangunahan ang naturang aktibidad ng Department of Trade and Industry (DTI) Zambales katuwang ang partner nitong I-Pilipino for Creatives, bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan.

Ibinida sa exhibit ang ilan sa mga pinakamahusay na produkto ng Zambales kabilang ang mga pagkain, handcrafted items, souvenir products, at iba pang lokal na likha na sumasalamin sa talento at kasipagan ng mga negosyanteng Zambaleño.

Layunin ng trade fair na mabigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga lokal na negosyante upang maipakilala sa publiko ang kanilang mga produkto kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day.

Naging mas makulay din ang programa sa pamamagitan ng iba’t ibang guest performances mula sa mga artist ng I-Pilipino for Creatives, kabilang sina Jesse Badua at Elisha Jourdaine, na humanga sa mga dumalo sa kanilang pag-awit at pagtugtog ng iba’t ibang instrumento.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga organizer sa matagumpay na pagdaraos ng aktibidad kasabay ng pagbati ng “Happy Mother’s Day” sa lahat ng mga ina.

“Glory to God,” mensahe ng mga kalahok at organizer matapos ang matagumpay na exhibit. (Ulat para sa Ang Pahayagan /  MITCH C. SANTOS)

Leave a comment