HINDI TRABAHO NG SENADOR ANG BASTA TUMUTOL LAMANG
Sa gitna ng usapin tungkol sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, muling Umalingawngaw ang mariing pahayag ng isang Senador na naninindigan na trabaho nila bilang senador ang tumutol o maging oposisyon.
Mahalagang paalala hindi maaaring harangin ng mga senador ang isang impeachment case dahil lamang nasa minority sila o dahil gusto nilang um-oposisyon.
Mahalagang tandaan na ang Senado ay hindi nilikha para maging “blocking force” ng politika. Ang tunay na tungkulin ng mga senador ay magsuri ng ebidensya, pairalin ang batas, at tiyaking umiiral ang Konstitusyon — hindi ang awtomatikong pagtutol sa anumang usapin dahil lamang sa personal na interes o pampulitikang paninindigan.
Kapag sinabi ng ilang senador na haharangin nila ang impeachment dahil sila ay oposisyon o kaalyado ng isang personalidad, nagiging delikado ito sa demokrasya.
Ang impeachment ay isang constitutional process, hindi simpleng laban ng magkakampi at magkalaban. Kapag ginawang puro politika ang proseso, nawawala ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.
Kung sa timbangan ng ibedensya ay bumabalanse sa mga numero at batayan ng reklamo may paglabag at anomalya sa tungkulin ng sinumang nakasalang para ma-impeach at may sapat na bilang ng mga mambabatas na sumusuporta sa reklamong impeachment, dapat itong dumaan sa tamang proseso. Hindi ito dapat pigilan dahil lamang sa kulay ng politika o personal na katapatan.
Hindi trabaho ng senador ang basta “mag-opposition.” Mas mataas ang kanilang sinumpaang tungkulin — ang maging patas, makatarungan, at tapat sa batas. Sa huli, hindi personalidad ang dapat pinoprotektahan kundi ang integridad ng ating mga demokratikong institusyon.


Leave a comment