Ang Pahayagan

Pagpapataas ng Kita ng mga Magsasaka, Isinusulong sa Pamamagitan ng Makabagong Teknolohiya sa Pagsasaka

ZAMBALES — Nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) Zambales, sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), ng pagsasanay hinggil sa High Value Crops Production para sa mga magsasaka at miyembro ng iba’t ibang samahan ng mga magsasaka sa lalawigan nitong Abril.

Kabilang sa mga lumahok sa pagsasanay ang mga miyembro ng Cawag Sapao Farmers & Fisherfolks Association Inc., Sitio Danao Castillejos Irrigator Farmers Association Inc., Sta. Cruz Mango Growers MPC, Palauig Mango Producers Cooperative, at Bulawen Integrated Farmers Association Inc.

Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa makabagong pamamaraan at teknolohiya sa produksyon ng mga high value crops upang mapataas ang kanilang ani at kita.

Tinalakay sa pagsasanay ang iba’t ibang makabagong teknolohiya sa agrikultura tulad ng drip irrigation system, greenhouse technology, hydroponics at aeroponics, gayundin ang mga post-harvest technologies na makatutulong sa pagpapahusay ng produksyon at kalidad ng ani.

Pinangunahan ni Municipal Agriculturist Janice Sardo ang pagtuturo at pagbabahagi ng kaalaman sa mga kalahok.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga magsasaka na makita ang iba’t ibang agricultural technologies na ginagamit ng Municipal Agriculture Office, kabilang ang vermicomposting, carbonizing of rice hull, vegetable production, poultry raising, rice processing system building, at farm produce collection and buying station.

Ayon sa DAR Zambales, layon ng programa na mapataas ang kita ng mga magsasaka, mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka, at matulungan silang maiugnay ang kanilang mga produkto sa angkop na merkado.

📸DAR-Zambales

Leave a comment