Ang Pahayagan

“SA BAWAT KAGAT NG BURGET, MAY PAG-ASANG INIALAY: KWENTO NG APAT NA ESTUDYANTENG KUMALINGA SA MGA TSUPER”

Sa panahong maraming tsuper ang halos kapusin na sa araw-araw na biyahe, may apat na kabataang piniling gawing makabuluhan ang kanilang munting baon—hindi para sa sarili, kundi para sa iba.

Sina Jual Kurt Madamba (19), Robelle Ann Daclizon (18), Kyla Marzon (20), at Asi Lordy Galang (19), pawang mga first-year student ng Columban College of Nursing, ay tahimik na nagsimula ng isang simpleng misyon: ang maghatid ng pagkain at kaunting pag-asa sa mga jeepney at tricycle driver na patuloy na lumalaban sa gitna ng krisis.

Mula sa kanilang ipon sa araw-araw na allowance, nagdesisyon silang bumili ng burger at tubig—mga bagay na para sa iba ay karaniwan lamang, ngunit para sa ilang tsuper, ay maaaring maging isang bihirang pagkakataon na makakain nang maayos sa gitna ng maghapong pasada.

Sa isang sulok sa labas ng tindahan, inilatag nila ang dalawang upuan na may karatulang “FREE FOODS FOR TSUPER HERO,” Simple. Walang engrandeng setup. Ngunit ang laman nito—ay malasakit na hindi matatawaran.

Isa-isang lumapit ang mga tsuper. May ilan na nag-aalangan, tila hindi makapaniwala. May ilan namang tahimik na ngumiti—ang iba ay may halong pagod sa mukha, ngunit bakas ang pasasalamat sa bawat tinanggap na pagkain.

Mas naging makahulugan ang kanilang adbokasiya dahil sa personal na karanasan ng isa sa kanila.

“Bilang anak ng tsuper, ramdam ko ang hirap nila ngayon,” pagbabahagi ng kanilang tagapagsalita. “Nagmamaneho sila hindi na para kumita, kundi para lang maitawid ang araw.”

Sa gitna ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, maraming tsuper ang napipilitang mamili—kung magpapatuloy ba sa pasada o ipapahinga na lang ang sasakyan dahil sa lugi. At sa mga patuloy na lumalaban, may mga pagkakataong isinasantabi na lamang ang sariling gutom.

“Yung pambili sana ng meryenda, idinadagdag na lang nila sa iuuwi sa pamilya. Kaya naisip namin, kahit sa simpleng paraan, gusto naming iparamdam na may nakakaalala sa kanila,” dagdag pa niya.

Hindi man kalakihan ang kanilang naibigay, ang bawat burger at bote ng tubig ay naging simbolo ng pag-aaruga—isang paalala na sa gitna ng hirap, may mga pusong handang umunawa at umalalay.

Sa mundong madalas nakatuon sa malalaking solusyon, ipinakita ng apat na estudyante na minsan, ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa maliit—sa isang simpleng handog, sa isang kusang-loob na pagtulong, at sa isang pusong marunong makiramay.

At sa bawat kagat ng burger na kanilang ipinamahagi, hindi lamang gutom ang kanilang napawi—kundi pati pag-asa sa puso ng mga tsuper na patuloy na bumabyahe para sa kanilang pamilya. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MICHAEL “MITCH C.” SANTOS)

Leave a comment