ZAMBALES – Umaasa ng hustisya ang kapamilya ng namatay na tsuper ng tricycle na nakabundulan ng isang trailer truck noong gabi ng Abril 23, 2026 sa Barangay Baretto, Olongapo City.
Ang biktima na kinilalang si Jerry Arcilla, 38, binata, breadwinner ng pamilya, ay namatay, nang ang kanyang minamanehong tricycle ay makabanggaan ang trailer truck ng Aim High Logistics, isang trucking company na nakabase din sa lugar ng biktima sa Barangay Sto. Tomas, Subic, Zambales.
Sinabi ni Josefa Arcilla Estigoy, kapatid ng biktima na bagama’t aniya may natanggap silang konting tulong mula sa trucking company na inihatid ng truck driver na si Hector Macapagal, pawang nagamit na din aniya ito sa mga bayarin sa ospital, punerarya at pagpapalibing.
Nakadagdag pa sa ikinasasama ng loob ng mga naulila ang mga kumakalat na post sa social media na pinaniniwalaang nilang galing umano sa nasabing trucking company.
“Masakit ang mga comment na nanggagaling sa kampo ng Aim High Logistics, lalo na ang pagdidiin nila na kasalanan lang ng kapatid ko ang nangyari dahil lasing daw ito habang nagmamaneho ng gabing iyon,” maramdamin na sinabi ni Estigoy habang kapanayam ng mga mamamahayag.
“Hindi naman na siguro kailangan pang ulit-ulitin ito para lang maibunton lahat ng sisi sa kanya, patay na yung tao, pero patuloy pa rin nilang sinisiraan at sinisisi para lang pagtakpan yung mga responsibilidad ng trucking company,” saad nito habang ipinakita ang nasabing mga social posts sa FB.
Si Estigoy ay pumirma ng affidavit of settlement na nagsasaad ng “hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa driver na si Macapagal, matapos umanong mangako ang driver ng truck na siya ang bahala sa mga gastusin ng namatayan.
Pumayag lamang aniya siyang lumagda sa kasunduan upang matiyak ang maayos na pagpapalibing sa kapatid at tuluyang maisara ang usapin. Iginiit niya na hindi pera ang naging batayan ng kanilang desisyon at labis siyang nasasaktan sa mga paratang na tila sila pa ang may kasalanan sa nangyari.
Walang nabanggit na halaga sa kasunduan kung magkano ang ibibigay ng driver o ambag ng trucking company sa mga namatayan. “Hindi ko na din naisip ito, kasi po ang isip ko ay maisayos ang libing ng kapatid ko at ang magkaroon na ng closure.” sabi ni Estigoy,
“Hindi na nga sana kami maghahabol sa lahat ng ipinangako nila, yun na lang sanang pambayad sa mga nautang ko nang papuntahin ko dito sa Subic ang mga kamag-anak namin sa Bicol para makita nila si Jerry sa kanyang huling sandali.”
Nilinaw din niya na hindi aniya salapi ang motibo nila sa pagkausap sa media, kundi “upang maisalba pa ang natitirang dignidad ng namatay na kapatid at pamilya.”
Umapela si Estigoy na sana’y huwag ilihis ng trucking company ang mga isyu at bagkus ay harapin ang kanilang responsibilidad sa pangyayari. “Nakakapagod na rin sa tutuo lang, kaya sa media na kami dumulog upang linawin ang mga isyu para na rin sa ikatatahimik at ala-ala ng namatay naming kapatid,” paglalahad ni Estigoy.
Tinangkang kunin ng Ang Pahayagan ang komento ng driver o nimuman sa Aim High Logistics habang sinusulat ang balitang ito. (Ang Pahayagan Reportorial Team)


Leave a comment