Ang Pahayagan

AFAB, BEZNA nagdaos ng dayalogo sa mga isyung pangkomunidad sa FAB

Pinangunahan ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) Administrator and CEO Hussein P. Pangandaman, kasama si Deputy Administrator for Operations Atty. Michael Angelo Paderanga at mga kinatawan ng ilang opisina ng AFAB, ang pakikipagpulong sa Bataan Economic Zone Neighborhood Association (BEZNA) noong 14 Abril 2026 upang talakayin ang mga usapin sa pabahay, mga patakaran, at iba pang isyung pangkomunidad sa FAB.

Naging pagkakataon ang pulong para magpalitan ng pananaw, maglinaw ng mga isyu, at maglatag ng mga susunod na hakbang sa patuloy na ugnayan at bukas na komunikasyon.

Tinalakay ang FAB Residential Pass and ID na ipinaliwanag ng AFAB bilang hakbang para sa seguridad at pagkakakilanlan na naaayon sa umiiral na regulasyon, at hindi nakaaapekto sa access, residency status, o karapatan sa pabahay.

Kaugnay nito, nilinaw ng AFAB ang kalagayan ng usapin sa lupa habang patuloy ang pagtalakay sa posibleng pagbebenta ng housing units, na daraan sa tamang patakaran at pag-apruba. Nagkasundo rin ang dalawang panig na ipagpatuloy ang koordinasyon sa pamamagitan ng legal na gabay at pagbuo ng joint technical working group ng AFAB, BEZNA, at mga barangay.

Tinalakay rin ang iba pang isyu gaya ng pagpasok at paglabas ng mga materyales sa mga residential area ng FAB para sa seguridad, gayundin ang updates sa pabahay at sa water system improvement projects ng ahensya.

Parehong kinilala ng AFAB at BEZNA ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pag-uusap sa kabila ng pagkakaiba ng posisyon sa ilang usapin. Nagtapos ang pulong sa pagkakasundo na ipagpapatuloy ang koordinasyon sa pamamagitan ng pormal na mekanismo at paghanap ng solusyon na naaayon sa batas at umiiral na patakaran.

Binigyang-diin ni Administrator at CEO Pangandaman ang kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng AFAB sa mga stakeholder nito, gayundin ng malinaw na komunikasyon at maayos na proseso sa pagpapanatili ng kaayusan at pagsusulong ng pag-unlad sa Freeport. (PR)

Leave a comment