ZAMBALES — Umabot sa mahigit 2,500 tricycle drivers mula sa iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa bayan ng Subic ang nabigyan ng tig-₱5,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Abril 16, 2026.
Ginawa ang pamamahagi sa Subic Sports Complex, kung saan naging maayos at organisado ang naturang payout.
Ayon sa mga tagapagpatupad, naging mabilis ang proseso dahil sa maagang paghahanda at koordinasyon ng lokal na pamahalaan kasama ang tanggapan ni Congressman Jhay Khonghun at ng DSWD.
Layunin ng naturang programa na matulungan ang mga tricycle driver na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo, na anila’y malaking tulong ang natanggap na ayuda upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang pagbibigay ng ganitong tulong-pinansyal sa iba pang kwalipikadong sektor sa iba’t ibang lugar sa bansa. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment