Ang Pahayagan

Panukalang ordinansa para sa mas mabilis na serbisyong pangkalusugan sa liblib na lugar, inihain sa San Marcelino

ZAMBALES — Inihain sa Sangguniang Bayan ng San Marcelino ang isang panukalang ordinansa na naglalayong palakasin ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, partikular para sa mga residente sa geographically disadvantaged o liblib na mga lugar.

Layunin ng panukala na mapabuti ang access ng mga mamamayan sa primary at secondary health care facilities sa pamamagitan ng mas maayos at mas mabilis na sistema, alinsunod sa Universal Health Care program. Kabilang sa tinututukan ng panukala ang pagpapabilis ng access sa mga health center at ospital, pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga pasilidad pangkalusugan, at pagpapatibay ng referral at transport system para sa mga pasyente.

Ayon sa talakayan sa ika-39 na regular na sesyon ng Sangguniang Bayan, ang panukala ay inihain ni SBM Councilor Doc Lala Aquino bilang bahagi ng mga hakbang upang mapalawak ang abot ng serbisyong pangkalusugan sa mas maraming komunidad, lalo na sa mga lugar na malayo sa sentrong bayan.

Binigyang-diin din na ang inisyatiba ay nakaangkla sa layuning makabuo ng mas inklusibo at accessible na healthcare system para sa lahat ng residente ng San Marcelino.

Sa kasalukuyan, ang panukalang ordinansa ay nasa unang pagbasa at ini-refer na sa Committee on Health at Committee on Laws para sa masusing pag-aaral, konsultasyon, at pagbibigay ng rekomendasyon bago ito sumailalim sa susunod na yugto ng proseso ng lehislasyon. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MARTI DUMAGUING)

Leave a comment