SUBIC BAY FREEPORT — Inirereklamo ngayon ng mahigit 20 empleyado ng isang hotel sa Subic ang biglaang pagtatanggal sa kanila sa trabaho noong Abril 5, na wala umanong sapat na abiso mula sa pamunuan ng establisyemento.
Ayon sa mga apektadong manggagawa, nagulat na lamang sila nang ideklara ang kanilang huling araw sa trabaho.
Hindi anila sila nakatanggap ng 30-day notice bago ipatupad ang termination, na taliwas umano sa itinatakda ng Labor Code of the Philippines.
Sa ilalim ng Artikulo 298 ng Labor Code, kinakailangang magbigay ang employer ng nakasulat na abiso sa mga empleyado at sa Department of Labor and Employment (DOLE) hindi bababa sa 30 araw bago ang petsa ng pagtatanggal sa trabaho, lalo na kung ito ay dulot ng retrenchment o pagsasara ng negosyo.
Bukod dito, kinukwestyon din ng mga empleyado ang umano’y hindi malinaw na pagkukwenta ng kanilang separation pay. Ayon sa batas, kung retrenchment ang dahilan, dapat tumanggap ang empleyado ng katumbas ng kalahating buwang sahod kada taon ng serbisyo. Kung bankruptcy naman ang dahilan, kailangan itong mapatunayan ng kumpanya sa pamamagitan ng opisyal na dokumento gaya ng financial statements.
May ilan ding manggagawa ang nagpahayag ng pangamba sa posibleng retaliation matapos umanong mabanggit sa loob ng kumpanya kung sinu-sino ang lumapit sa DOLE upang humingi ng tulong. Giit nila, karapatan nilang magsampa ng reklamo nang walang takot o panggigipit.
Dahil dito, hinihikayat ang mga apektadong empleyado na dumulog sa DOLE sa pamamagitan ng Single Entry Approach (SENA) upang maresolba ang usapin sa pamamagitan ng mediation.
Pinapayuhan din silang huwag munang pumirma sa anumang quitclaim hangga’t hindi malinaw ang kabuuang benepisyong kanilang matatanggap.
Samantala, sa panayam ng Ang Pahayagan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), inamin umano ng pamunuan ng hotel na nagkaroon sila ng pagkukulang sa pagpapatupad ng 30-day notice.
“Aminado ang hotel management na nagkulang sila sa pagbibigay ng 30-day notice. Humihingi sila ng paumanhin at nangakong susunod sa itinakda ng batas. Ang mga maaapektuhang manggagawa ay makatatanggap ng kanilang separation pay at karagdagang isang buwang sahod,” ayon kay Armina Belleza C. Llamas, OIC ng SBMA Office of the Deputy Administrator for Corporate Communication.
Dagdag pa ni Llamas, bago pa man ang krisis sa langis na dulot ng tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran, nakaranas na umano ng paghina at pagkalugi ang nasabing hotel.
“Sinikap ng pamunuan na ipagpatuloy ang operasyon kahit nahihirapan na silang tustusan ang sahod ng mga empleyado. Ngunit upang maiwasan ang mas malaking problema, napilitan silang magbawas ng manggagawa,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, patuloy na iginiit ng mga empleyado ang kahalagahan ng transparency at mahigpit na pagsunod sa batas upang maprotektahan ang kanilang karapatan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment