Ang Pahayagan

Grupo ng Magsasaka, Nanawagan ng Aksyon ng Gobyerno sa Gitna ng lumalalang krisis sa Produktong Petrolyo bunsod ng Gusot sa Middle East

NUEVA ECIJA– Mariing kinondena ng Save the Rice Granary (STRG) Movement ang nagpapatuloy na tensyon at gyera sa Middle East, partikular ang sinasabing tunggalian ng US-Israel laban sa Iran, na nagdudulot umano ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.

Ayon sa STRG, direktang naaapektuhan ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino—lalo na ang sektor ng agrikultura—dahil sa pag-asa ng bansa sa inaangkat na langis. Tinatayang umaasa ang Pilipinas ng halos 98% ng suplay ng langis mula sa ibang bansa, karamihan ay mula sa Gitnang Silangan. Dahil sa kaguluhan sa rehiyon at sa banta sa mga rutang pangkalakalan gaya ng Strait of Hormuz, sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Bunga nito, patuloy ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina na ginagamit sa produksyon, transportasyon, at distribusyon ng mga produktong agrikultural. Iniulat ng grupo na umaabot na sa halos 60% ang itinaas ng presyo ng diesel, na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka.

Dagdag pa ng STRG, marami sa mga magsasaka ang nalulugi dahil sa mataas na gastos sa produksyon. May ilan pa umanong napipilitang iwanan ang kanilang ani dahil mas malaki pa ang gastos sa pag-aani at pagbebenta kaysa sa posibleng kita.

Kasabay nito, tumataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gulay, at karne dahil sa domino effect ng pagmahal ng langis at abono. Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, inihayag ni Department of Agriculture Usec. Asis Perez na maaaring bumaba ng 20% hanggang 50% ang produksyon ng palay dahil sa kakulangan ng imported na kemikal na pataba.

Binatikos din ng STRG ang patuloy na pag-asa ng bansa sa imported na agricultural inputs at teknolohiya, pati na ang isyu ng land-use conversion sa mga lupang agrikultural, lalo na sa Gitnang Luzon.

Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na magpatupad ng agarang hakbang, kabilang ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa langis, pagbibigay ng subsidyo sa mga magsasaka, at regulasyon sa presyo ng langis at bilihin. Iminungkahi rin nila ang pagpapalakas ng lokal na produksyon, paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, at pagsuporta sa organikong agrikultura.

Para naman sa pangmatagalang solusyon, isinusulong ng STRG ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at Rice Liberalization Law, pagsasabansa ng industriya ng langis, at pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng diplomatikong resolusyon sa mga internasyonal na tunggalian at ang pagtutol sa anumang uri ng digmaan na anila’y may malawak na epekto sa ekonomiya at seguridad sa pagkain ng bansa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment