PANGASINAN — Nagpahayag ng paninindigan ang Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE) para sa laban kontra climate injustice at pagkasira ng kalikasan kasabay ng paggunita sa International Working Women’s Day noong Marso 8.
Sa inilabas na pahayag ng grupo, kinilala nila ang mahalagang papel ng mga kababaihan—kabilang ang mga magsasaka, manggagawa, katutubong kababaihan, at environmental defenders—na patuloy na lumalaban laban sa umano’y lumalalang environmental plunder at epekto ng climate change na nararanasan ng mga komunidad.
Ayon sa PPSE, hindi lamang biktima ng mga sakunang pangkalikasan ang kababaihan kundi sila rin ang nangunguna sa mga kilusan para sa climate justice sa mga sakahan, kagubatan, at baybayin.
Binanggit din ng grupo ang kaso ni Maria Elena “Cha” Pampoza, isang organizer ng mga magsasaka at mangingisda sa Central Luzon, kabilang ang Pangasinan, na dinukot umano sa Moncada, Tarlac noong Hulyo 2022 kasama si Elgene “Leleng” Mungcal. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin umano sila natatagpuan.
Iginiit ng PPSE na ang pagkawala ng dalawa ay simbolo ng mga panganib na kinahaharap ng mga kababaihang nagtatanggol sa karapatan ng mga komunidad at kalikasan.
Patuloy din ang kanilang panawagan na ilantad ang kinaroroonan nina Pampoza at Mungcal.
Kinilala rin ng grupo ang mga environmental defenders tulad nina Jonila Castro at Jhed Tamano na nanindigan laban sa mga proyektong reclamation sa Manila Bay, gayundin ang dating DENR Secretary na si Gina Lopez na naging kilala sa pagtutol sa open-pit mining.
Bukod dito, pinapurihan din ang mga kababaihang lider-komunidad gaya ni “Nanay Lory” ng Defend Dupax del Norte na patuloy umanong kumokontra sa malalaking pagmimina sa kanilang lugar.
Ayon sa PPSE, patuloy na mahalaga ang papel ng kababaihan sa pagprotekta sa kalikasan at pagtatanggol sa karapatan ng mga komunidad laban sa mga proyektong itinuturing nilang nakakasira sa kapaligiran. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment