NUEVA ECIJA– Nagsagawa ng ikalawang pagtitipon ang mga convenor ng SAVE THE RICE GRANARY! (STRG), isang mahalagang hakbang sa pagbubuo ng malawak at pangmatagalang kampanya upang ipagtanggol ang lupang sakahan, panirikan, at kinabukasan ng mamamayan sa Gitnang Luzon at Pangasinan.
Sa pulong, sama-samang tinalakay at pinagtibay ang draft concept paper ng kampanya. Sinuri dito ang kalagayan ng agrikultura at lupa sa rehiyon, itinakda ang mga layunin at panawagan, at binuo ang mga estratehiya ng pagkilos. Nakatulong sa paglinaw ng usapin ang ulat ng kinatawan ng Bantay Bigas hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa. Sa pamamagitan ng masiglang talakayan at makabuluhang mungkahi, pinagtibay ang concept paper bilang kolektibong gabay ng kampanya.
Binigyang-diin sa pagtitipon na ang Gitnang Kapatagan ng Luzon, na nag-aambag ng humigit-kumulang 24% ng suplay ng bigas ng bansa, ay nahaharap sa lumalalang krisis dulot ng malawakang land-use conversion, malalaking proyektong pang-imprastraktura at negosyo, at mga patakarang kontra-magsasaka tulad ng Rice Liberalization Law (RTL). Dahil dito, patuloy na napapaalis ang mga magsasaka at komunidad sa kanilang lupang sakahan at panirikan.
“Highest rice producer ang NE pero ang kalakhan mamayang at naghihirap, nandito ang pinakamahihirap na pamilya,” ani Doc Undan, ang Lead Convenor ng STRG.
“Pinapahirapan ang sektor ng agrikultura ng mababang presyo ng palay, mataas na gastos sa produksyon, at pagkalubog sa utang—mga kondisyong nagbabanta hindi lamang sa kabuhayan ng magsasaka kundi pati sa pambansang seguridad sa pagkain,” pagdidiin pa ni Undan.
Ipinahayag din ng STRG ang pagtutol sa itinutulak na Greater Capital Region sa Gitnang Luzon, na anila’y nagbubukas ng mas malawak na pangangamkam ng lupa para sa industriya at negosyo kapalit ng pagkain, lupa, at karapatan ng mamamayan.
Bilang tugon, pinagtibay ng mga convenor ang kolektibong paninindigan na palakasin ang kampanyang SAVE THE RICE GRANARY! upang pigilan ang land-use conversion, buuin ang malawak na alyansa mula lokal hanggang internasyunal, at iangat sa pambansang diskurso ang usapin ng lupa, agrikultura, at food security.
Kasabay ng aktibidad ang paggunita sa anibersaryo ng Rice Liberalization Law, na mariing kinondena ng STRG bilang ugat anila ng pagbagsak ng presyo ng palay at paglala ng paghihirap ng mga magsasaka. Iginiit nila ang panawagang ibasura ang RTL at magpatupad ng mga patakarang magsusulong ng pambansang industriyalisasyon, soberanya sa pagkain, at dignidad ng magsasaka. (Ulat ni MITCH C. SANTOS / Larawan kuha ni AY SANTIAGO)


Leave a comment