Ang Pahayagan

BAYAN GITNANG LUZON, NAGPAHAYAG NG SUPORTA SA KILOS-PROTESTA NG AMBALA SA DAR 

QUEZON CITY — Buong suporta ang ipinahayag ng Bagong Alyansang Makabayan–Gitnang Luzon (BAYAN-GL) sa isinagawang kilos-protesta at dayalogo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) National Office.

Ayon sa BAYAN-GL, makatarungan at makasaysayan ang pagkilos ng AMBALA dahil inilalantad umano nito ang patuloy na monopolyo sa lupa ng mga makapangyarihang angkan, kabilang ang pamilyang Cojuangco-Aquino-Lorenzo, gayundin ng malalaking korporasyon tulad ng Ayala, Aboitiz, Coca-Cola, Ajinomoto, at iba pa. Giit ng grupo, sa basbas ng estado ay muling inaagaw ang mga lupang matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita. 

Binatikos din ng BAYAN-GL ang tinatawag na Hacienda Luisita Masterplan, na layong ikumbert ang malawak na bahagi ng asyenda sa mga proyektong industriyal, residensyal, at komersyal. Ayon sa kanila, ang naturang plano ay nagbubura sa lupang agrikultural at nagbabantang magpalayas sa libu-libong magsasaka at residente ng lugar. 

Mariing kinondena ng grupo ang umano’y papel ng pamahalaan, partikular ang DAR at ang Office of the President, sa pagpapatibay ng mga patakarang kontra-magsasaka. Kabilang dito ang mabagal na pamamahagi ng lupa, hindi pamimigay ng titulo sa mga homelot, at ang pagkansela ng mga Notice of Coverage na umano’y naglalagay sa panganib sa kabuhayan ng daan-daang pamilya. 

Iginiit ng AMBALA at BAYAN-GL na walang saysay ang dayalogo kung walang kongkretong aksiyon mula sa pamahalaan. Anila, mahalaga ang patuloy na pagkilos at presyur mula sa lansangan upang maipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawang bukid. 

Nanawagan ang mga grupo na itigil ang lahat ng anyo ng land conversion at demolisyon sa Hacienda Luisita, ipatupad ang tunay at ganap na pamamahagi ng lupa, agad na ipamahagi ang mga titulo, at panagutin ang mga pamilyang at indibidwal na umano’y sangkot sa paglabag sa karapatan ng mga magsasaka. Hiniling din nila ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawang bukid na mag-organisa at magpahayag ng kanilang mga hinaing. 

Dagdag pa ng BAYAN-GL, ang isyu sa Hacienda Luisita ay sumasalamin sa mas malawak na krisis sa lupa at kabuhayan sa bansa at bahagi ng mas malawak na laban para sa tunay na reporma sa lupa. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS) 

Leave a comment