Sinakote ang ilang tinaguriang high-value individual (HVI) at nasamsam ang mahigit Php 2.2 Milyong halaga ng hinihinalang mga ilegal na droga sa loob ng 24 oras na serye ng anti-drug operations ng pulisya sa Gitnang Luzon.
Kabilang sa mga naaresto ang isang alyas “Jun,” 43-anyos na umano’y HVI mula sa Barangay Anunas, Angeles City. Dinakip ito dakong alas-9:20 ng gabi noong Pebrero 28, 2025, sa isinagawang buy-bust operation ng Angeles City Drug Enforcement Unit (ACDEU) at Police Station 6. Nakumpiska ng mga awtoridad ang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 374,000.00 sa Riverside Interior, Barangay Ninoy Aquino, Angeles City.

Sa isa pang hiwalay na operasyon bandang 2:00 ng madaling araw noong Marso 1, naaresto ng magkasanib na operatiba mula sa ACDEU at Intelligence/Drug Enforcement Unit (DEU) ng Police Station 6 ang isang kinilala lamang na alyas “Lolet,” isang 61-anyos na HVI mula sa Barangay Pulung Cacutud, Angeles City. Nasamsam sa buy-bust ang 53 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng Php 360,400.00, kasama ang pre-marked buy-bust money at isang OJO eyewear pouch.

Sa Bocaue, Bulacan naman bandang1:30 ng madaling araw ng Marso 1, inaresto ng mga operatiba ng Bocaue Municipal Police Station ang dalawang umano’y HVI na kinilalang sina “Jon-jon,” 36, at “Hapon,” 30, kapwa mula sa Barangay Batia. Nakumpiska sa operasyon ang 131.17 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 891,956.00 at isang caliber .38 revolver na may limang bala.
Nadakip naman sa ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station sa Meycauayan City, Bulacan dakong alas-2:37 ng umaga ng Marso 1 ang dalawang drug personalities: alyas “Mai,” 47, negosyante mula sa Barangay Malhacan, at isang alias “Carl,” 33, mula sa Caloocan City.
Nahuli ang mga ito na nakikipagtransaksyon ng iligal na droga sa loob ng gray Mitsubishi Mirage G4, na humantong sa pagkakasamsam ng 45 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Php 603,000.00 ang halaga.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga naarestong suspek habang patuloy na pinaiigting ng mga awtoridad ang anti-drug operations sa buong rehiyon.
📸 Angeles / Bulacan PNP


Leave a comment