Ang Pahayagan

Government Center sa Castillejos, prayoridad ni Mayor Khonghun

ZAMBALES—Prayoridad ni Castillejos Mayor Jeffrey Khonghun na maitayo ang isang government center sa lupain na pag-aari ng kanyang munisipyo upang magsilbing daan sa pag-asenso ng kanyang bayan.

Nabatid ito sa talumpati ng alkalde sa isinagawang turn-over ceremony sa pagitan ng Fiesta Community Inc. (FCI) at Castillejos LGU para sa dalawang day care center at isang health center na donasyon ng FCI kamakailan.

Ani Khonghun, ang pagbuo ng government center ay kasalukuyan nang isinasagawa sa 23 hektaryang lupain sa Sitio Baring, Barangay San Nicolas kung saan nauna nang itinayo ang Department of Public Works and Highways District Office, ang President Ramon Magsaysay State University, ang mga gusali ng Rural Health Center at ng Bureau of Fire Protection ng Castillejos.

Ayon sa alkalde, nais niya na malagay ang mga district offices ng lahat ng sangay ng gobyerno sa naturang lupain upang mailapit ang serbisyo ng mga ito sa tao.

“Yung government center natin ginagawa na,  andun na lahat ng mga national agencies, ang ginagawa natin dito sa Castilljejos ay mga Distrtict offices, marami na tayo napirmahan na Memorandum of Understanding (MOU) sa iba’t-ibang national agencies para sa mga donasyon na lupa,” saad ni Khonghun.

Nabatid na ang mga national line agencies ay maaring magkaroon ng minimum na 500 hanggang 4,000 metro kuwadrado lupain na puwedeng mapagtatayuan ng kanilang gusali sa nasabing government center.

Kabilang umano sa mga ahensiyang nagpabatid ng intension na magtayo ng kanilang tanggapan sa nabanggit na government center ay ang Land Transportation Office, Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Social Security System, Government Service Insurance System at ang National Bureau of Investigation.

Leave a comment