ZAMBALES- Isinagawa ang kauna-unahang Philippine Mango Derby gayundin ang 3rd Mango Congress, alinsabay sa selebrasyon ng Dinamulag Festival ng lalawigang ito.
Ang Mango Derby ay ginanap sa Batungbacal Farms, Sitio Tiep, Barangay Bulawen, Palauig habang sa Botolan People’s Plaza naman ang 3rd Mango Congress.
Ang nasabing mga proyekto ay sa pangunguna ng United Luzon Mango Stakeholders Association Inc. (ULMSAI) at Region III Mango Stakeholders Association Inc. (R3MSAI) kaakibat ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) – High Value Crops Development Program at Department 0f Agriculture para sa Gitnang Luzon.
Bilang pagsuporta din sa industriya ng mangga, ito’y nilahukan ng iba’t ibang pribadong kumpanya tulad na lamang ng Syngenta, Leafy Green by Vetmate Farma Corp., Leads Agri, Farmtech Agriland and Agridom Solutions Corp., Enviro Scope Synergy Inc., Harbest Agribusiness Corp., Agway Chemicals Corp., Corvill Agricom, FMC Agro Philippines Inc., S&P Enterprises Inc., Ramgo Seeds, at STIHL.
Ayon kay Enrico Batungbacal, isang malaking karangalan aniya na mapili ang Batungbacal Farms bilang lugar na pinagganapan ng kauna-unahang Philippine Mango Derby.
“Siyempre nakikita ko na makaka-contribute ito doon sa aming research para sa mga best practices sa pagsasaka ng mangga, kaya pumayag na rin ako na dito ganapin, wika niya.
Ibinahagi din ni Batungbacal ang ilan sa mga plano nila sa hinaharap bilang mga magsasaka ng mangga tulad ng pagpasok sa exportation.
“Kami dito sa Zambales, nag-form kami ng federation kung saan pagsasama-samahin namin ang mga ani naming mangga at papasukin namin ang export market, sa halip na magbenta kami sa exporter ang ambisyon namin ay makapag-export kami directly,” pagdidiin nito.

Ang tema naman ng 3rd Mango Congress sa Botolan ay ang “Highlighting the Role of the LGUs in Strengthening the Mango Industry of the Philippines.”
Ginanap ito upang matalakay ang mga hamong hinaharap ng industriya ng pagmamangga sa Pilipinas at mapagsama-sama ang mga stakeholders, eksperto at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Sa mensahe ni Mercedita Sombilla, DA Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations, kanyang binigyan pansin ang produksyon at exportation ng mangga.
“This country’s volume of mango exports has seen and impressively increased in the past 5 years. This export expansion contributed to the industry’s increased in total gross value-added contribution to the national economy. We continue to work together to overcome them to keep our Philippine mango standout not only in local market but in international market as well,” saad ni Sombilla.
Nagbahagi rin ng mensahe ng suporta si Crispulo Bautista, Jr., ang Regional Executive Director ng DA RFO 3.
“Alam po natin na ang mango industry placed a significant role in the Philippines economy. The leadership and dedication of everyone involved in this industry has been instrumental in advancing the industry’s growth and success,” pahayag ni Bautista.
Samantala, inulat ni HVCDP Regional Coordinator Engr. AB David ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng Mango Industry sa ikatlong rehiyon.
📸 Mga larawan mula DA Gitnang Luzon.


Leave a comment