SUBIC BAY FREEPORT– Nakamit nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga ang gintong medalya sa Volleyball World Beach Pro Tour Futures na ginanap sa Subic Bay Sand Court ng Subic Bay Freeport zone..
Nakopo nina Rondina at Gonzaga ang kampeonato matapos talunin sina Gen Eslapor at Dij Rodriguez sa puntos na 22-24, 21-12, 15-12 sa all-Filipino championship match.
Unang tinalo ng Rondina at Gonzaga tandem sina Yahli Ashush at Anita Dave ng Israel sa pamamagitan ng 20-22, 21-8, 17-15 score na panalo sa unang semifinal match.
“It was worth it!” saad ni Rondina.
Dumaan din sa butas ng karayom sina Eslapor at Rodriguez na kinailangang itakas ang 16-21, 28-26, 15-13 panalo kina Japanese tandem Miyu Sakamoto at Mayu Sawame.
“Three Japanese teams, those are what we beat here. Turned out we’ve become their (Japanese)conquerors,” ani Eslapor.
Pinuri naman ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara ang tagumpay ng mga Pinay spikers. Ito ang pinakamataas na karangalan na nakuha ng Pilipinas sa isang volleyball tournament sa nakalipas na mga taon.


Leave a comment