SAN MARCELINO, Zambales — Pormal nang inilunsad ng Department of Agriculture (DA) Region 3 at lokal na pamahalaan ng San Marcelino ang ₱20 Rice Program nitong Huwebes, Oktubre 15 sa Municipal Evacuation Center sa Barangay Laoag.

Layunin ng programa na mabigyan ang mga kwalipikadong mamamayan ng access sa abot-kayang bigas at makatulong na mabawasan ang gastusin ng mga pamilya sa pagkain.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga senior citizen, solo parent, persons with disabilities (PWDs), benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), magsasaka, mangingisda, jeepney at tricycle driver, minimum wage earner, at mga guro at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd).

Pinangunahan ng DA Region 3, sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang paglulunsad katuwang ang National Food Authority (NFA), Food Terminal Inc. (FTI) at lokal na pamahalaan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Municipal Agriculturist Remin Sardo na hindi lamang nakatuon sa produksyon ng mga produktong agrikultural ang tungkulin ng Municipal Agriculture Office, kundi pati sa pagtitiyak na may sapat, abot-kaya at madaling makuhang pagkain ang mga nangangailangan.

Sinabi rin ni Sardo na makatutulong ang programa sa mga pamilyang nahihirapang tustusan ang tumataas na gastusin sa pagkain, partikular sa pagbili ng bigas na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Binigyang-diin naman ni Mayor Elvis Soria ang sakripisyo ng mga magsasaka at magulang upang matiyak na may pagkaing nakahain sa bawat pamilya.

Ayon sa alkalde, hindi lamang pagbebenta ng bigas sa mababang halaga ang layunin ng programa, kundi pagpapakita rin ng malasakit at pagkakaisa upang matulungan ang mga pamilya na makabili ng de-kalidad at abot-kayang pagkain.

Dumalo rin sa paglulunsad sina Sangguniang Bayan members Jose Gutierrez Jr., chairperson ng Committee on Agriculture; Louella Aquino; at Earl B. Yap.

Nakiisa rin sa aktibidad sina DA Region 3 AMAD Market Specialist Sophia Rem Dare, FTI Vice President for Corporate Affairs Atty. Oliver Dicdican, at NFA Pampanga Branch Manager Ferdinand Mocusi, kasama ang iba pang mga opisyal at kinatawan.

Inaasahang makabibili ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga susunod na linggo, alinsunod sa itinakdang alokasyon at mga patakaran ng programa.

📸 San Marcelino Public Information Office

Leave a Reply

Trending