SUBIC BAY FREEPORT — Tampok ang mga likhang-sining, talento at kulturang Pilipino sa “Sininggayan: Art Sanctuary,” isang pagtitipon ng mga lokal na artista at organisasyong pangkultura na ginaganap sa Ayala Malls Harbor Point mula Nob. 23 hanggang 28, 2026.
Isinusulong ng I-Pilipino at Ayala Malls Harbor Point ang aktibidad na naglalayong magbigay ng espasyo sa mga alagad ng sining upang maipakita ang kanilang mga likha at mapalawak ang pakikilahok ng komunidad sa pagsusulong ng sining at kulturang Pilipino.



Bitbit ang temang “Sining / Art + Lingap / Care + Bayan / Nation — Where Filipino Art Meets Community,” binibigyang-diin ng pagtitipon ang papel ng sining sa pagpapahayag ng identidad, pangangalaga sa kultura at pagpapatibay ng ugnayan ng mga mamamayan.
Kabilang sa mga visual artist na kalahok sina Aldrin Bagasina, Edlee Mae V. Dagan, Sheila Marie Fulton, Roman Guevarra, Luna C, Jade Menor, Bhoiet Nacion, Jericho Nambio, Shelue Joyce Saguban, Lune Omara, KAT, Justin Isidro at April Mora.
Makikibahagi rin ang iba’t ibang grupo at organisasyon, kabilang ang Artist3, Faithbook, CRFT PINAY, Upcycling by Namara, Juice at G/A, na nagtataguyod ng sining, malikhaing pagpapahayag at mga gawaing pangkultura.



Sa pamamagitan ng aktibidad, nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na artista at malikhaing grupo na ipakilala sa publiko ang kanilang mga obra, maibahagi ang kanilang mga pananaw at makaugnayan ang mas malawak na komunidad.
Inaasahang makatutulong din ang pagtitipon sa pagpapalakas ng suporta sa mga lokal na alagad ng sining at sa pagpapahalaga ng publiko sa mayamang sining at kulturang Pilipino. (Ulat ni Mitch C. Santos)
📸 Jun Dumaguing




Leave a Reply