SUBIC BAY FREEPORT — Naging makulay ang pagdiriwang ng ika-34 anibersaryo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kasabay ng pagpapailaw sa dambuhalang Christmas tree sa Boardwalk Activity Area nitong Martes ng gabi, Nob. 24.

Pinangunahan ng mga miyembro ng SBMA Board of Directors ang Christmas Tree Lighting Ceremony sa pamamagitan ng pagpindot sa ceremonial switch na nagbigay-liwanag sa Christmas tree at hudyat ng pagsisimula ng mga aktibidad para sa Kapaskuhan sa Freeport.

Sinundan ito ng mga pagtatanghal ng mga lokal na performer at fireworks display na dinagsa ng mga residente at turista.

Sa panayam ng media, sinabi ni SBMA Director Rafael Miguel Marcelo na layunin ng aktibidad na pasiglahin ang Freeport bilang lugar na maaaring puntahan at tangkilikin ng mga residente at turista, lalo na ngayong holiday season.

“Ang importante ay masaya ang lahat, enjoy natin ang Christmas at holiday season, have fun and more fun in Subic the way it should be,” ani Marcelo.

Dumagsa ang mga manonood sa Boardwalk upang masaksihan ang pagpapailaw ng Christmas tree at ang fireworks display na bahagi ng pagsalubong sa Kapaskuhan sa Subic Bay.

Bukod sa pagiging bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensya, layunin din ng aktibidad na gawing mas kaakit-akit na pasyalan ang Boardwalk para sa mga pamilya, residente at bisita.

Inaasahang makatutulong ang mga aktibidad ngayong holiday season sa pagpapasigla ng turismo at komersiyal na aktibidad sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.

Itinatag ang SBMA noong 1992 sa bisa ng Republic Act No. 7227, o Bases Conversion and Development Act. (Ulat nina Mitch C. Santos at Marti Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Larawan kuha ni Robin C. Tuazon

Leave a Reply

Trending