SUBIC, Zambales– Inialay ni Zambales First District Representative at House Deputy Speaker Jefferson “Jay” Khonghun sa kanyang mga kababayan ang pagkilalang natanggap niya bilang People’s Media Choice Awardee sa Gawad Pilipino 2026, kasabay ng pangakong patuloy na pagsusulong ng mga programang magbibigay ng mas maayos na serbisyo at oportunidad sa mga mamamayan.

Ayon kay Khonghun, ang parangal ay hindi lamang personal na pagkilala sa kanyang trabaho bilang mambabatas, kundi sumasalamin din sa tiwala at suporta ng mga residente ng Unang Distrito ng Zambales na patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang gampanan ang kanyang tungkulin.

Binigyang-diin ng kongresista na ang bawat pagkilalang natatanggap niya ay nagsisilbing paalala ng mas malaking responsibilidad na tugunan ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan at tiyaking nararamdaman nila ang konkretong resulta ng kanyang paglilingkod.

Kabilang sa kanyang mga pangunahing adbokasiya ang pagpapalawak ng access sa edukasyon, pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagbibigay ng tulong sa kabuhayan at pagsusulong ng mga programang panlipunan para sa mga mahihirap at nangangailangan.

Pinasalamatan din ni Khonghun ang Gawad Pilipino sa pagkakaloob ng naturang parangal, gayundin ang lahat ng indibidwal at organisasyong patuloy na sumusuporta sa kanyang mga programa at inisyatiba.

“Hindi po tayo titigil sa paglilingkod at pagtulong. Para sa mamamayan,” pahayag ng kongresista.

Dagdag pa niya, nananatiling mahalaga ang tiwala ng publiko sa kanyang pagsisikap na katawanin at ipaglaban ang interes ng mga mamamayan sa Kongreso.

Iginiit ni Khonghun na hindi dapat nakabatay sa mga tropeo at parangal ang tunay na sukatan ng isang lingkod-bayan, kundi sa kakayahan nitong tumugon sa pangangailangan ng publiko at makapaghatid ng serbisyong may tunay na pakinabang sa komunidad.

Para sa kongresista, ang People’s Media Choice Award ay hindi pagtatapos ng isang tagumpay kundi panibagong hamon upang higit pang pagbutihin ang paglilingkod at patuloy na makapagbigay ng positibong pagbabago sa buhay ng bawat Zambaleño. (PR)

Leave a Reply

Trending