OLONGAPO CITY — Nagsagawa ng tsunami evacuation drill sa Barangay Barretto, Olongapo City nitong Huwebes, Nobyembre 19, upang subukan at palakasin ang kahandaan ng komunidad sa posibleng banta ng tsunami.
Isinagawa ang pagsasanay sa pamamagitan ng simulation ng magnitude 8.0 na lindol na magmumula sa Manila Trench at posibleng magdulot ng tsunami. Kasabay nito, sinuri rin ang paggana ng Cell Broadcast (CB) emergency alert system na nakatakdang magpadala ng babala sa mga mobile phone sa nasabing barangay.
Posible ring makatanggap ng test alert ang mga residente sa ilang karatig-lugar, kabilang ang bahagi ng Subic Bay Freeport Zone (SBFZ), Subic at Dinalupihan.
Pinangunahan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang aktibidad, katuwang ang DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Office of Civil Defense (OCD), at mga telecommunications provider na PLDT, Smart, Globe at DITO.

Sinuri sa pagsasanay ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensiya, bisa ng mga sistema ng emergency communication at pagtugon ng mga residente sa isinagawang paglikas.
Layunin din ng aktibidad na matukoy ang mga kakulangan at epektibong pamamaraan na maaaring gamitin upang higit pang mapahusay ang mga lokal na plano at mekanismo sa pagtugon sa sakuna.
Binigyang-diin ng mga kinauukulang tanggapan ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at paghahanda ng komunidad upang mabawasan ang panganib at maprotektahan ang buhay ng mga residente sakaling magkaroon ng lindol at tsunami. (Ulat ni Mitch C. Santos)
📸 Olongapo City Information Center




Leave a Reply