SAN ANTONIO, Zambales — Namahagi ang lokal na pamahalaan ng San Antonio ng isang bagong tractor sa San Esteban Farmers Association (SEFA) upang mapalakas ang mekanisasyon at mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka sa bayan.

Ayon kay San Antonio Mayor Arvin Rolly Antipolo, ipinagkaloob ang tractor sa ilalim ng Farm Mechanization Program sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at Municipal Agriculture Office (MAO), sa pangunguna ni Jennybabe Dancel Caabay.

Inaasahang makatutulong ang kagamitan sa pagpapabilis ng paghahanda at pagsasaka ng mga lupain, pagpapababa ng gastos sa produksyon at pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga nakibahagi sa pagtanggap ng kagamitan sina Barangay San Esteban Chairperson Alma Ventura Jardin at San Esteban Farmers Association President Rolly Racsa, na mangangasiwa sa pangangalaga at paggamit ng tractor para sa mga miyembro ng asosasyon.

Pinangunahan ni Antipolo ang programa bilang bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang suportahan ang sektor ng agrikultura.

Samantala, nagsagawa rin ang Municipal Agriculture Office ng pamamahagi ng mga punla ng gulay sa ilalim ng Gulayan Program upang hikayatin ang mga residente na magtanim sa kanilang mga bakuran at komunidad.

Nakiisa sa pamamahagi si Sangguniang Bayan member Deo Delos Reyes.

Layunin ng programa na makatulong sa seguridad sa pagkain, pagkakaroon ng masustansiyang pagkain ng mga pamilya at pagbawas sa gastusin sa pamamagitan ng sariling pagtatanim ng gulay.

Bahagi ang dalawang programa ng mga hakbang ng pamahalaang bayan upang palakasin ang produksyon ng pagkain at suportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at residente. (Ulat ni Jun Dumaguing)

📸 San Antonio Public Information

Leave a Reply

Trending