OLONGAPO CITY — Pormal na ipinakilala sa Olongapo City ang BNI Harbour Central Luzon 2 sa isang luncheon meeting na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga negosyante, lokal na pamahalaan at sektor ng turismo bilang paghahanda sa Business Conference 2027.
Isinagawa ang pagpupulong nitong Nobyembre 17, 2026, mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-1:30 ng hapon sa Cherry Blossom, West Bajac, Olongapo City.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Olongapo City Tourism Office, BNI Harbour Central Luzon 2, CVL Coaching Mentoring Consulting Center at Visual Masters Inc.
Tinalakay sa unang bahagi ng programa ang mga pananaw hinggil sa kultura, pamumuhay at mamamayan ng Olongapo, gayundin ang potensiyal ng lungsod bilang destinasyon ng turismo at oportunidad sa negosyo.
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe sina City Councilor VicVic Magsaysay at iba pang kinatawan ng sektor.
Ibinahagi rin ni Coach Vee ang kaniyang mga pananaw tungkol sa koneksiyon, pakikipagtulungan at bisyon para sa Olongapo City.
Kasunod nito, ipinakilala ng BNI team ang organisasyon, kabilang ang misyon at bisyon nito, gayundin ang mga layunin ng kanilang grupo sa pagpapalawak ng ugnayan at oportunidad sa negosyo.
Sa ipinakitang organisasyonal na talaan ng BNI Harbour, kabilang sa mga itinalagang opisyal sina Yanna Acosta bilang Executive Director, Lina Salanguit bilang Success and Growth Director, Juna Tan-Buinto bilang Launch Director, Narciso Paulino Jr. bilang Finance Director, Atty. Red Gomez bilang Legal and Compliance Director, Sidney Abuel bilang Tech and Marketing Director, at Nino Banical bilang Sales and Events Director.
Tampok din sa pagpupulong ang presentasyon ni Ms. Yanna tungkol sa disenyo, programa, mga layunin at inaasahang benepisyo ng Business Conference 2027.
Nagkaroon din ng focused group discussion at plenary session upang bigyang-daan ang mga katanungan, suhestiyon at posibleng pakikipagtulungan ng mga kalahok para sa nasabing kumperensiya.
Pinangunahan at minoderate ng Olongapo City Tourism Office ang pagpupulong, na nagsilbing pagkakataon upang mapag-ugnay ang iba’t ibang sektor at matukoy ang mga posibleng hakbang para sa pagpapaunlad ng negosyo at turismo sa lungsod. (Ulat ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply