CASTILLEJOS, Zambales — Nilinaw ng mga opisyal ng Barangay Nagbayan na isang pansamantalang Municipal Material Recovery Facility (MRF), at hindi landfill, ang pasilidad sa kanilang lugar na inireklamo ng ilang residente dahil umano sa hindi magandang amoy at mga suliraning pangkapaligiran.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Punong Barangay Quirino R. Adolfo, kasama si Barangay Kagawad Freddie A. Pascual, chairman ng Committee on Environmental Protection, at iba pang opisyal ng barangay, na nagsisilbi ang pasilidad bilang sentro ng pagtanggap at pansamantalang pag-iimbak ng basura mula sa mahigit 14 na barangay sa bayan ng Castillejos.

Ayon sa mga opisyal, isinasagawa ang waste segregation sa pasilidad bago dalhin ang mga basura sa itinakdang tapunan. Mayroon din umanong regular na paglilinis at maintenance upang mapanatili ang kaayusan nito.

Mahigit 200 katao umano ang nakikinabang sa operasyon ng MRF, kabilang ang mga nangangalahig at nagbebenta ng mga recyclable na materyales at mga manggagawang nakatalaga sa paglilinis at pagpapanatili ng pasilidad.

Ayon sa ilang residenteng nakapanayam, nakatutulong ang MRF sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga umaasa sa pangangalakal. May ilan umanong kumikita ng P500 o higit pa, depende sa dami at uri ng mga materyales na kanilang nakokolekta at naibebenta.

Sinabi rin ng mga opisyal ng barangay na mahigit 24 na taon nang ginagamit ang lugar bilang Municipal MRF, bago pa man maghain ng reklamo ang ilang residente, kabilang ang may-ari ng isang kalapit na resort.

Gayunman, naging usapin ang operasyon ng pasilidad matapos ireklamo kamakailan ng isang resort owner ang umano’y pagkasunog ng mga tambak na basura na nagdulot ng maitim na usok sa paligid.

Binanggit din ang problema sa pagdami ng mga langaw na iniuugnay sa mga basurang hindi agad nahahakot at naihahatid sa itinakdang landfill.

Sa kabila ng mga benepisyong pangkabuhayan na iniuugnay sa MRF, nananatiling mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga pamantayan sa waste management, kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran upang matugunan ang mga reklamong may kaugnayan sa operasyon nito. (Ulat ni Mitch C. Santos)

Leave a Reply

Trending