QUEZON CITY– Nagprotesta sa harapan ng Department of Agriculture (DA) ang mga grupo sa ilalim ng Anakpawis Party-list nitong Biyernes, Oktubre 16, kasabay ng paggunita sa World Food Day, upang kondenahin ang umano’y kakulangan ng tugon ng pamahalaan sa mga krisis at kalamidad na nakaaapekto sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Ayon kay Eva Victorino, deputy secretary general ng Anakpawis, matagal nang inaasahan ang matinding El Niño ngunit wala umanong sapat na hakbang ang pamahalaan upang matugunan ang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi ni Victorino na umabot na sa mahigit ₱6 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño, na aniya’y nagdudulot ng kagutuman at matinding kahirapan sa mga komunidad sa kanayunan.

Nanawagan din siya sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor sa kanayunan na igiit ang sapat na tulong ng pamahalaan upang matugunan ang krisis na kinahaharap ng kanilang produksyon at kabuhayan.

Ipinagdiriwang ang World Food Day tuwing Oktubre 16 bilang paggunita sa pagkakatatag ng Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO), na naglalayong isulong ang seguridad sa pagkain at labanan ang kagutuman sa buong mundo.

Kahapon ay nagkiisa din sa isang pagkilos ang mga magbubukid, mangingisda, at kababaihan mula Bulacan, Bicol, Zambales, Laguna, at Cavite sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) bilang paggunita naman sa International Rural Women’s Day at protesta laban sa patuloy na kawalan ng lupa at kabiguan ng programang reporma sa pansakahan.

‎Pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at iba’t ibang organisasyong pangkanayunan ang isang linggong protest camp sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa Pax Silica initiative at mga proyektong pang-enerhiya at pagmimina banta sa lupa at likas na yaman ng bansa.

Mula ika-15 hanggang ika-21 ng Oktubre, magtatayo ng kampuhan ang mga magbubukid sa gate ng DENR bilang bahagi ng paggunita sa buwan ng magbubukid.

Ito anila ay bilang paghahanda din para sa People’s Caravan sa Nobyembre kontra sa proyektong Pax Silica alinsabay sa magiging pagdalaw rito ni US Presidente Donald Trumph.

📸 Anakpawis Party list

Leave a Reply

Trending