SAN ANTONIO, Zambales — Sumailalim sa training at orientation sa safety at sea ang mga miyembro ng Bantay-Dagat mula sa San Antonio, San Narciso, Iba, Masinloc at Candelaria, Zambales bilang bahagi ng Batch 2 ng pagsasanay na isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 2, 2026.

Pinangunahan ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) National Marine Fisheries Development Center ang limang araw na pagsasanay sa pangunguna ni Rhoda S. Bacordo, head/chief ng center.

Nakibahagi rin sa programa ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng San Antonio sa pangunguna ni Jennybabe Caabay, kasama si Councilor Deo Delos Reyes, chair ng Committee on Agriculture.

Kinatawan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) National Headquarters-Medical Services sina Ensign Jester V. Picart at Apprentice Seaman Isaiah Wayne S. Yambao.

Layunin ng training na dagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga miyembro ng Bantay-Dagat sa wastong paggamit ng safety at communication equipment, gayundin ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa mga emergency at iba pang hindi inaasahang sitwasyon habang nasa laot.

Bahagi rin ng programa ang patuloy na pagsusulong ng kaligtasan sa karagatan at pangangalaga sa yamang-dagat sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanda ng mga katuwang na nasa baybayin at karagatan.

Ipinahayag naman ng Pamahalaang Bayan ng San Antonio ang pasasalamat sa DA-BFAR National Marine Fisheries Development Center, PCG National Headquarters-Medical Services, mga katuwang na bayan at lahat ng lumahok sa pagsasanay.

“Patuloy ang ating pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa mas ligtas na karagatan, mas matatag na komunidad, at pangangalaga sa ating yamang-dagat,” saad sa ipinarating na mensahe ni San Antonio Mayor Dok Arvin Antipolo para sa mga kalahok. (Ulat at mga larawan mula sa San Antonio Public Information)

Leave a Reply

Trending