OLONGAPO CITY — Nagsasagawa ng pagtukoy at paglilista ang ilang barangay sa Olongapo City sa kanilang mga residenteng empleyado ng Phil. Jinboway Corporation at iba pang kumpanyang naapektuhan ng naganap na sunog sa pabrika upang mabigyan sila ng kaukulang tulong.
Nanawagan si Barangay West Bajac-Bajac Chairman Billy Capistrano sa mga apektadong manggagawa na makipag-ugnayan sa kanilang barangay upang maisama sa talaan ng mga nangangailangan ng tulong.
Pinagpapasa ang mga empleyado ng company ID na nagpapatunay na sila ay nagtatrabaho sa Jinboway at naninirahan sa nasabing barangay.
Samantala, inanunsiyo rin nina Barangay New Cabalan Chairman Delbert D.M. Muelga at Barangay Gordon Heights Chairman Pricilla Ponghe ang pamamahagi ng tulong sa mga residenteng nawalan ng trabaho dahil sa sunog.
Sa New Cabalan, nakatakdang mamahagi ng pagkain sa mga apektadong pamilya, habang hinihikayat naman ang mga taga-Gordon Heights na makipag-ugnayan sa barangay kaugnay ng pagtukoy sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa Barangay New Kalalake, itinakda naman ni Chairman Sherwin Eweng Sionzon ang pagpapalista sa mga apektadong manggagawa sa Lunes, Nobyembre 9, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Kailangan nilang magdala ng updated company ID na nakasaad ang kanilang tirahan sa barangay.
Samantala, nagpahayag ng pangamba ang ilang manggagawa sa posibleng dalawa hanggang tatlong buwang paghihintay bago sila makabalik sa trabaho, habang naghahanap umano ang kumpanya ng lilipatang pasilidad para maipagpatuloy ang operasyon nito.
Sa isang mensaheng ipinadala sa social media, tinanong ng isang empleyado na humiling na hindi pangalanan kung maaari silang makakuha ng unemployment benefit mula sa Social Security System (SSS) habang pansamantalang walang trabaho.
Ayon sa manggagawa, malaking tulong sana ang naturang benepisyo sa mga empleyadong umaasa sa kanilang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, kabilang ang mga buntis na manggagawa.
Hindi rin umano nila nais na umasa sa emergency loan dahil dagdag na pagkakautang ito na kailangan pa nilang bayaran sa hinaharap.
Umaasa ang mga apektadong manggagawa na mabibigyan sila ng paglilinaw hinggil sa kanilang maaaring matanggap na benepisyo habang hinihintay ang muling pagbubukas ng kanilang pinagtatrabahuhan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply