MUNOZ, Nueva Ecija — Mahigit 200 mag-aaral ng Central Luzon State University (CLSU) ang nagsagawa ng walkout noong Setyembre 21 bilang bahagi ng mga kilos-protesta kaugnay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong 1972.
Pinangunahan ng Anakbayan CLSU ang pagkilos na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa siyam na kolehiyo ng unibersidad.
Kabilang sa mga ipinahayag na pagtutol ng mga estudyante ang panukalang Pax Silica development sa New Clark City, Tarlac, at ang MTerra Solar project sa Nueva Ecija.
Sinabi ng mga nagprotesta na tinututulan nila ang mga proyektong itinuturing nilang nakapipinsala sa mga komunidad at kapaligiran.

Isinama rin sa kanilang mga panawagan ang umano’y harassment, surveillance, red-tagging at intimidation laban sa mga lider-estudyante at aktibista sa unibersidad.
Samantala, nanawagan ang Independent Campus Journalists Union for Press Freedom para sa pagkakaisa ng mga campus journalist at pagtataguyod ng kalayaang pang-editoryal.
Itinaas naman ng University Supreme Student Council ang panawagan para sa karagdagang pondo sa edukasyon at iba pang usapin ng mga mag-aaral, habang binigyang-diin ng Agham Youth CLSU ang pambansang industriyalisasyon at pagpapaunlad ng agham at teknolohiya.
Kabilang din sa mga lokal na usaping binigyang-diin ng mga estudyante ang operasyon ng eBus sa kampus, na ayon sa mga nagprotesta ay nakaaapekto sa kabuhayan ng mga tricycle driver, at ang banta ng pagpapalayas sa PNR-CLSU.
Sa pagtatapos ng programa, nanawagan si Eyu Bartolome, tagapangulo ng Anakbayan Nueva Ecija, sa mga kabataan na makiisa at mag-organisa kasama ang mga magsasaka at manggagawa upang isulong ang kanilang mga adhikain.
📸 Anakbayan Nueva Ecija




Leave a comment