(Unang bahagi)

Ang ayuda ay dapat makarating sa nangangailangan.

Simple. Diretso. Walang paligoy-ligoy.

Pero sa tuwing may krisis sa Olongapo, tila paulit-ulit din nating nasasaksihan ang parehong eksena: may mga nangangailangan ng tulong, may pamahalaang naglalaan ng ayuda, at pagkatapos ng pamamahagi—may mga tanong.

Sa mga nagdaang krisis, mula sa epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo, langis at gasolina na tumama sa kabuhayan ng ating mga driver, hanggang sa mga pagbaha, pagguho ng lupa at landslide dulot ng mga bagyo at Habagat, naging bahagi na ng realidad ng maraming Olongapeño ang paghingi ng tulong sa pamahalaan.

Kaya hindi na bago ang ayuda.

Ang bago ngayon ay ang dami ng tanong na naiwan matapos ang pamamahagi ng bigas.

Sa isang talakayan ng Sangguniang Panlungsod, lumitaw na nasa 24,242 ang kabuuang benepisyaryo ng rice assistance.

Dalawampu’t apat na libo, dalawang daan at apatnapu’t dalawa.

Hindi maliit na bilang iyan.

At kung libu-libo ang benepisyaryo, libu-libo rin ang kailangang maayos na matukoy, ma-validate at maitala. Ibig sabihin, hindi sapat ang magandang intensiyon. Kailangan ng mahusay na sistema.

Dito nagsisimula ang mas mahalagang usapin.

Ayon sa mga napag-usapan, ang listahan ng mga benepisyaryo ay hinango mula sa pinagsama-samang sectoral groups ng CSWDO at sa 2024 Community-Based Monitoring System o CBMS food insecurity list na ginawa ng CPDO.

Kaya may isang simpleng tanong:

Napapanahon pa ba ang datos?

Kung 2024 pa ang pinagmulan ng isang bahagi ng database, paano natutukoy ang mga pamilyang nagbago na ang kalagayan? Paano naisasama ang mga bagong nangangailangan? At paano nasisiguro na walang dobleng pangalan sa magkakaibang listahan?

Hindi ito teknikal na usapin lamang.

Kapag mali ang listahan, maaaring mali rin ang mapuntahan ng ayuda.

At kapag nagkaroon ng pagkakamali sa distribusyon, natural lamang na may magtanong: Bakit may nakatanggap nang higit sa isang beses samantalang may iba namang hindi nakatanggap?

Hindi kailangang agad magturo ng daliri.

Ang kailangan ay validation.

Ang kailangan ay transparency.

At higit sa lahat, ang kailangan ay isang sistema na kayang magpaliwanag—malinaw at dokumentado—kung bakit kasama ang isang pangalan at kung bakit wala ang iba.

HINDI KULANG SA AYUDA, KULANG SA SISTEMA?

Madaling sabihin na may pagkukulang ang namahagi.

Pero hindi rin makatarungang sa CSWDO lamang ibuhos ang buong sisi.

Sa mismong talakayan, lumitaw ang iba’t ibang hamon: kakulangan sa manpower at workforce, limitadong panahon para sa validation, pagkaantala ng delivery sa ilang barangay at kakulangan ng maayos na communication channels.

Kung gayon, maaaring mas malalim ang problema kaysa sa isang opisina o isang grupo ng mga empleyado.

Maaaring ang kailangang tingnan ay ang buong proseso.

Kapag libu-libo ang benepisyaryo, hindi maaaring umasa lamang sa manu-manong listahan, mabilisang validation at kanya-kanyang record.

Kailangan ng updated database.

Kailangan ng malinaw na guidelines.

Kailangan ng koordinasyon sa pagitan ng CSWDO, barangay, CPDO, PSA, DILG at iba pang kaugnay na tanggapan.

At higit sa lahat, kailangan ng malinaw na record kung sino ang nakatanggap, kailan nakatanggap at sa ilalim ng anong programa.

Hindi ito dagdag na papeles lamang.

Ito ang mekanismong maaaring magsilbing proteksiyon laban sa pagkakamali, reklamo at pagdududa.

ANG AYUDA AY HINDI DAPAT NAKADEDEPENDE SA “PALAKASAN”

May isang salitang madalas lumitaw tuwing nagkakaroon ng problema sa ayuda:

“Palakasan.”

Hindi dapat basta-basta ibinabato ang ganitong paratang kung walang sapat na ebidensiya.

Pero hindi rin dapat balewalain kung bakit ito pumapasok sa isip ng publiko.

Sapagkat kapag malabo ang proseso, lumalaki ang puwang para sa hinala.

At ang pinakamabisang paraan upang sagutin ang hinala ay hindi ang pakikipagtalo sa mga nagtatanong.

Ang pinakamabisang sagot ay isang sistemang kayang ipakita ang katotohanan.

Kung may standardized criteria, updated beneficiary database, maayos na validation at dokumentadong distribution records, mas madaling sagutin ang reklamo.

Hindi na kailangang manghula.

May datos.

May dokumento.

May proseso.

At may pananagutan.

Abangan ang ikalawang bahagi ng kolumn…

Leave a comment

Trending