Inanunsyo ni dating De La Salle University Lady Spiker at dating Alas Pilipinas captain Aby Maraño noong Setyembre 16 ang kanyang pagreretiro sa professional volleyball matapos ang 22 taon sa sport.
Ayon kay Maraño, matagal niyang pinag-isipan ang desisyon na wakasan ang kanyang karera bilang professional volleyball player.
Sa kanyang karera, naging tatlong beses na UAAP champion si Maraño kasama ang DLSU at dalawang beses ding kinilala bilang Most Valuable Player.
Naging bahagi rin siya ng Philippine women’s national volleyball team, kung saan nagsilbi siyang team captain mula 2015 hanggang 2023. Naging kinatawan siya ng Pilipinas sa iba’t ibang international competitions.
Bukod sa collegiate at national team career, naglaro rin si Maraño sa mga professional club tulad ng F2 Logistics, Chery Tiggo at Nxled.
Sa kanyang retirement announcement, binalikan ni Maraño ang kanyang paglalakbay mula sa pangarap na makapaglaro para sa Pilipinas hanggang sa pagiging bahagi at lider ng national team.
Kasabay ng kanyang pagreretiro ang pagtatapos ng nakasanayan niyang buhay bilang atleta, kabilang ang araw-araw na ensayo, mga laro, biyahe at pakikipagtulungan sa mga kasamahan sa koponan.
Gayunman, sinabi ni Maraño na umabot siya sa puntong alam niyang naibigay na niya ang lahat para sa kanyang 22-taong volleyball career.
“BINUHOS KO LAHAT. LAHAT. LAHAT,” pahayag niya. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment