ABUCAY, Bataan — Umabot sa 2,500 punla ng kawayan ang itinanim ng 80 volunteers sa Bambusetum and Ecopark ng Bataan Peninsula State University (BPSU)-Abucay Campus noong Miyerkules, Setyembre 16, bilang paunang aktibidad para sa selebrasyon ng Philippine Bamboo Month at World Bamboo Day sa Setyembre 18.

Nakiisa sa pagtatanim ang AboitizPower, Provincial Government Environment and Natural Resources Office, BPSU-Abucay, Department of Trade and Industry, Sangguniang Kabataan ng Alas-Asin, Bureau of Jail Management and Penology-Mariveles, at mga partner na people’s organization.

Bukod sa tree-planting activity, isinagawa rin ang Information, Education and Communication session tungkol sa kawayan, area tour, hands-on bamboo potting activity, at turnover ng mga donasyong kagamitan para sa bamboo project.

Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga September birthday celebrators sa pamamagitan ng Project Saysay ng AboitizPower.

Ayon kay Joseph Paulo Mendoza, stake relations manager ng AboitizPower subsidiaries na GMEC-GNPD, mahalaga ang sama-samang pagkilos sa pangangalaga ng kalikasan.

“Isa itong paalala na ang pagpapanatili ng kalikasan ay isang sama-samang gawain—at bawat punlang itinatanim natin ngayon ay isang maliit na pamumuhunan para sa kinabukasan,” ani Mendoza.

📸 ENRO Bataan

Leave a comment

Trending