IBA, Zambales — Namahagi ng pagkain at tubig ang 69th Infantry (Cougar) Battalion ng Philippine Army, katuwang ang Ibanian Hotel, Resort, Restaurant, Recreation and Allied Association Inc. (IHRRRAA), sa mga residenteng naapektuhan ng patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 2026.
Pinangunahan nina 1st Lt. Elinor Grace G. Impang, Civil-Military Operations officer, at 2nd Lt. Micah Rolloque ang manpower assistance ng 69IB sa pamamahagi ng relief goods sa mga evacuee at iba pang apektadong residente.
Kabilang sa mga paaralang nagsilbing evacuation centers ang Senior Abestillas Senior Elementary School, Lipay Dingin Elementary School, Dirita Elementary School at Libaba Elementary School.


Isinagawa ang relief operation sa pakikipagtulungan ng 69IB at mga may-ari ng hotel at resort sa pangunguna ni IHRRRAA President Gerald Cabautan.
Ayon sa 69IB, bahagi ang aktibidad ng whole-of-nation approach sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na apektado ng kalamidad.

Sinabi ng batalyon na patuloy nitong susuportahan ang mga humanitarian effort upang makatulong sa kaligtasan at kapakanan ng mga residente sa panahon ng sakuna.




Leave a comment